156 total views
Hinihikayat ni Manila Archbibhsop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mamamayan na tulungan ang mga kabataan na nais na makapag-aral.
Ang paanyaya ni Cardinal Tagle ay kaugnay sa isinagawang Caritas Manila at Radio Veritas youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) Telethon na layunin makapangalap ng pondo para tustusan ang pag-aaral sa kolehiyo ng may limang libong kabataan mula sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na bagama’t maraming paaralan ang may libreng matrikula ay marami pa ring kabataan ang tumitigil sa pag-aaral dahil sa kakapusan ng baon para sa pamasahe, pagkain at iba pang pangangailangan sa paaralan lalu na sa mahihirap na lalawigan.
“Nakakalimutan ‘yun minsan, akala pag sinabing gastos sa edukasyon naiisip lang ‘yung matrikula. Maraming bata ang tumitigil sa pag-aaral kahit libre ang matrikula pero tumitigil dahil walang pamasahe, walang pambili ng pagkain, walang matitirhan. Kaya mahalagang magtulong-tulong tayo para maibigay ‘yung mga conditions para makapag-aral ang mga bata,” ayon kay Cardinal Tagle sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinagdarasal ni Cardinal Tagle na maging bahagi ang bawat isa para sa edukasyon at paghuhubog ng mga kabataan na maging isang kapaki-pakinabang na mamamayan na silang mga susunod na pinuno ng simbahan at ng lipunan.
“Paghuhubog at edukasyon ng kabataan hindi lamang para maging matalino kungdi para maging kapaki-pakinabang na mamamayan at pinuno ng ating simbahan at lipunan,” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Scholars ng YSLEP sa Mindanao
Ikinagagalak at ipinagmamalaki ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang pagtatapos ng tatlumpu’t isang college students mula sa Basilan sa pamamagitan YSLEP.
Taong 2015 nang ilunsad ng Caritas Manila ang YSLEP Peace Building and Education Program at maging bahagi ng programa ang rehiyon ng Mindanao kabilang na sa Basilan na dating pinamumunuan ng arsobispo.
Ayon kay Archbishop Jumoad, mahalaga ang pagtutulungan sa kabila ng pagkakaiba ng kultura at pananampalataya para na rin sa pagkakaroon ng kapayapaan sa rehiyon sa pamamagitan ng edukasyon.
“To be a peaceful province (Basilan) because they have their faith in each other because they are already aware ano talaga ang gagawin para makamtan ang kapayapaan and through education talaga,” sa pahayag ni Archbishop Jumoad.
Paanyaya ng Arsobispo,”Ipakalat nyo po sa mga Muslim brothers and sisters natin ito po ay walang bahid ng relihiyon. ito po ay for the sake of reaching out for those who really like to finish a degree.”
Si Farida Katoh, isang Muslim mula sa Basilan ay kabilang sa mga unang nagtapos sa YSLEP program ng Caritas Manila.
Sa kasalukuyan ay may 72 college scholars sa Mindanao; 96 sa Visayas; 149 sa Luzon at 744 sa Metro Manila.
Tuloy-tuloy na panawagan para sa YSLEP
Patuloy naman ang panawagan ng Caritas Manila para sa mga nais na tumulong sa mga kabataang mahihirap na nais na makapag-aral.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radio veritas at executive director ng Caritas Manila, kinakailangan ng bansa ang mga bagong lingkod ng simbahan at lipunan.
“Hinubog natin ang mga kabataan na maging lingkod. We need future leaders na talagang may pagmamahal sa Diyos at kapwa lalu na sa mahihirap. Kaya’t naniniwala tayo na itong YSLEP program ng Caritas Manila ay isang magandang sagot sa pagbibigay ng oportunidad sa mga kabataan at sa paghubog din ng mga bagong henerasyon ng mga bagong lingkod ng ating bansa,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Patuloy na hinikayat ng Caritas Manila ang mga Kapanalig at mga mananampalataya na magbigay ng tulong para sa YSLEP.
Ayon kay Fr. Pascual ang pangangalap ng pondo ay para sa higit limang libong college scholars ng simbahan.
“Naniniwala tayo na the poor are not lazy they just lack the opportunity at ‘yan ang binibigyan ng pagkakataon ng Caritas Manila kasama ang mga libo-libong donors na naniniwala sa kahalagahan ng edukasyon as a great social equalizer na kung mayroon talagang magpapalaya sa atin sa karukhaan at kamangmangan-ito ‘yung power of education na kung saan hinuhubog natin ang kabataan sa tinatawag naming knowledge skills and aptitude.” pahayag ni Father Pascual
Inihayag ni Fr. PAscual na ang programa ay hindi lamang nakatuon sa pag-aaral ng mga estudyante bagkus kabilang dito ang paghuhubog bilang mga lider ng simbahan at ng lipunan.
Nagsimula ang Caritas Scholarship noong 1953 at higit pang pinag-ibayo ang programa noong 2004 para i-akma sa makabagong panahon na hindi para lamang sa mga kristiyano kundi maging sa mga Muslim.
Ngayong taong 2019 sa ilalim ng YSLEP, may higit sa isang libo ang nagtapos sa kolehiyo kabilang na ang anim na magna cum laude; 41 ang cum laude at ilang pang academic achievers mula sa 51 diyosesis sa buong bansa.
“Ang atin pong hinihingi ay cash donations para matustusan ang ating programa sa YSLEP,” Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila sa ginanap na Caritas YSLEP Telethon sa Radio Veritas.
(Marian Navales-Pulgo)