183 total views
Pormal nang inilunsad ng Caritas Manila ang ‘The Feeding of the 5000 Sponsorship Campaign’ bilang patuloy na paglingap sa mga kabataang nais mag-aral subalit walang kakayahang pinansyal.
Unang araw ng Hulyo nang isinagawa ang Youth Servant and Leadership Education Program (YSLEP) Telethon ng Caritas Manila na layong makapangalap ng karagdagang pondo para sa pagpapaaral sa mga scholars ng social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Naniniwala ang Caritas Manila na ang edukasyon ang susi upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mamamayan at mabawasan ang karukhaan sa bansa.
“The sponsorship campaign is aligned to support our flagship program Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP), envision to invest further in a long-term solutions to eradicate poverty and in nation building through educating our Filipino youth,” mensahe ng Caritas Manila.
Ang Feeding the 5000 Sponsorship Campaign ay hango sa Bibliya kung saan pinakain ni Hesus ang 5,000 katao sa pamamagitan ng 5 tinapay at 2 isda at ito rin ay naaayon sa Tithing for the Poor Movement ng Caritas Manila.
Sa pamamagitan nito isang kabataang servant leader ang maaaring regular na tutulungan ng 5 sponsor/donor hanggang makapagtapos sa pag-aaral ng kolehiyo.
Sa pagsasaliksik ng Caritas Manila sa pag-aaral ni Ducanes at Tan (2014), bumababa sa 2.4 porsyento ang kahirapan sa isang pamilya na may nakapagtapos sa kolehiyo.
Bunsod nito, naninindigan ang Caritas Manila na isang mahalagang sangkap ang edukasyon sa pagpapababa ng kahirapan.
Ang mga maaring benepisyaryo ng YSLEP ay mga nagmumula sa ‘Urban Poor Youth, Menial Youth Workers, Children in Conflict with the Law, Children of Fishermen and Farmers, Differently Abled Youth, Orphans, Young Indigenous People, Children and Youth who are Survivors of War and Disasters, Children and Youth who are Survivors of Human Trafficking, Children of Prisoners, Street Children and Youth, Highschool and College Dropouts.’
Bukod dito dapat ding nakahanda ang mga scholars sa pakikiisa sa developmental activities at regular formations na ibinibigay ng Caritas Manila, aktibong makikibahagi sa mga gawain ng parokya, kinakailangan maglaan ng 100 oras ng volunteer work sa komunidad bawat taon, panatilihin ang 85% General Weighted Average(GWA), hindi palipat-lipat ng kurso at hindi benepisyaryo ng ibang programang pang edukasyon.
Sa taong school year 2018 – 2019 umabot sa 1, 061 ang nagsipagtapos sa na scholars ng YSLEP kung saan 744 dito ay nagmula sa Metro Manila, 6 dito ang Magna Cum Laude, 41 ang Cum Laude, 42 ang may Academic Excellence/Dean’s list, 13 ang President’s List, at 67 ang Special Awardees.
Ito ay pagpapakita ng konkretong hakbang ng Simbahang Katolika sa paglingap sa mga mahihirap sa lipunan partikular ang programang makatutugon sa kahirapan ng mamamayan.