191 total views
Nagbabala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines laban sa Maria Divine Mercy (MDM) na nagpapakalat ng mga maling katuruan ng Simbahang Katolika.
Sa inilabas na pahayag ng CBCP, masusing pinag-aralan nina Balanga Bishop Ruperto Santos, National Episcopal Coordinator ng Divine Mercy at ng Divine Mercy Philippines – National Working Committee ang mga katuruan na ipinamamahagi ng MDM na magdudulot ng kalituhan sa mananampalataya, walang katotohanan at walang basehang katuruan ng Simbahan.
Mariing pinaalalahanan ng mga lider ng Simbahang Katolika ang higit sa 86 na milyong Katoliko sa Pilipinas na maging maingat sa pakikipag-ugnayan sa mga grupong ginagamit ang Simbahang Katolika sa mga pansariling interes.
Noong Abril, unang nagpalabas ng babala si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza hinggil sa Maria Divine Mercy na nagpapakalat ng librong pinamagatang ‘The Book of Truth’ kung saan nasasaad dito ang sanhi ng pagbitiw sa puwesto ni Pope Benedict XVI habang ang mga susunod na Santo Papa ay mga bulaang propeta at maging ang nalalapit na ikalawang pagdating ng Panginoong Hesukristo.
Binalaan ni Bishop Alminaza ang mga mananampalataya na huwag paniwalaan ang nilalaman ng nasabing aklat at maging ang mga katuruan na ipinapakalat ng MDM.
Sa mensahe ng Santo Papa Francisco sa ika – 52 World Communications Day na pinamagatang ‘The truth will set you free’.
Binigyang diin nito ang kahalagahan na labanan ang pagkalat ng mga maling impormasyon sa halip ay palaganapin ang Mabuting Balita ng Panginoon upang makamtan ang kapayapaan sa lipunan.