180 total views
Magsasagawa ng pagtatanghal ang Jesuit Communications Foundation upang ipagdiwang ang 50 taong ambag ng Philippine Province of the Society of Jesus sa larangan ng musika partikular sa mga awiting nagpupuri sa Diyos.
Sa pangunguna ng Jesuit Music Ministry, bibigyang parangal din ang namayapang si Fr. Eduardo Hontiveros, SJ kung saan itinuturing na klasiko ang mga komposisyong isinulat sa Wikang Filipino noong 1960 tulad ng “Ama Namin”, Ang Puso Ko’y Nagpupuri (Magnificat)” at “Pananagutan”.
“The landmark celebration honors the enduring legacy of the late Fr. Eduardo Hontiveros, SJ; Throughout the era of social upheaval that witnessed Martial Law and the People Power Revolution, Jesuit Music continued to thrive with the release of Himig Heswita, where Fr. Nemy Que, Fr. Fruto Ramirez, and Fr. Danny Isidro, all worked hand in hand with the beloved Fr. Hontiveros,” bahagi ng pahayag ng JMM.
Sa paglipas ng panahon patuloy ang pamamayagpag ng mga awiting likha ng mga Paring Heswita at mga laykong nagtulong-tulong sa pagpapayabong ng mga likha.
Bukod sa Himig Heswita, nabuo rin nina Fr. Manoling Francisco, SJ, Jandi Arboleda at Norman Agatep ang Bukas Palad Ministry na isa sa mga grupong hinahangaan sa paglikha ng mga awiting pang-Simbahan at nakatutulong sa pagpapaunlad ng pananampalataya sa pamamagitan ng musika.
Ilan sa mga likha ang ‘Mariang Ina ko at Hindi Kita Malilimutan’ nina Fr. Manoling Francisco at Dr. Onofre Pagsanghan, ‘Awit ng Paghahangad’ ni Fr. Charlie Cenzon, SJ, ‘Panunumpa’ ni Fr. Jboy Gonzales, SJ, ‘Pagsibol at Ito ang Araw’ ni Fr. Arnel Aquino, SJ.
Sa pagtutulungan ng JMM, Bukas Palad, Hangad at Himig Heswita sumibol ang New Millenium taglay ang mga awiting pagninilay at ang One Praise para sa mga musikang pangkabataan.
Ang “Ginintuan”: Celebrating 50 Years of Jesuit Music”, ay isasagawa sa Henry Lee Irwin Theater, Ateneo De Manila University sa ika- 13 ng Hulyo ganap na ika – 3 ng hapon ang Matinee at ika – 7 ng gabi ang Gala kung saan tampok dito ang hinahangaan at kilalang Bukas Palad, Hangad, Himig Heswita, Koro Ilustrado, at Musica Chiesa katuwang ang Tinig Barangka and Pansol Choir, JMM artists na sina Toto Sorioso at Vespers duo.
Layunin din ng pagtatanghal ang makakalap ng pondo upang tustusan ang pagsasaayos at pagpapaunlad sa recording studio ng JesCom at mga bagong proyekto nito.
“As it faces the challenging yet exciting possibilities of the present digital age, it is indeed with the help, kindness and generosity from its ardent fans and followers that Jesuit Music Ministry can continue to produce its brand of enlivening, heartening music that uplifts the soul for the years to come,” ani ng JMM.
Tampok din sa konsiyerto ang ilang kilalang OPM artists tulad nina Bituin Escalante, Lara Maigue at Noel Cabangon habang inaasahan din ang paglahok ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle.
Para sa ticket maaring pumunta sa mga Tanging Yaman outlets sa Sonolux Building at sa SM Megamall o tumawag sa 426-5971 local 113, mag-text sa 0908 886 8447 o bisitahin ang www.facebook.com/jescomph para sa karagdagang mga impormasyon.