220 total views
Suportado ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philipines (ALU-TUCP) ang panukalang 14th month pay at dagdag sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Allan Tanjusay, tagapagsalita ng grupo, magandang simulain ang inihaing panukala ng mga mambabatas.
Iginiit ni Tanjusay na mahalagang maipatupad ang dagdag sahod ng mga manggagawa sa bansa dahil hindi sasapat ang kasalukuyang 537 pisong minimum wage sa pang-araw-araw na pangangailangan.
“Sinusuportahan namin yung panukala na 14th month pay bill ni Senator Sotto subalit separate po ito sa isinusulong namin na dagdag sahod,” pahayag ni Tanjusay sa Radio Veritas.
Sa panig ng Simbahang Katolika, hangad nito ang kapakanan at kabutihan ng mga manggagawa na nagpapaunlad sa mga employer at ekonomiya ng bansa.
Binibigyang diin sa Laborem Exercens ni Saint John Paul II ang dignidad ng tao sa paggawa kabilang na ang pagbibigay ng wastong benepisyo sa mga manggagawa.
Batay sa Senate Bill No. 10 ni Senator Tito Sotto, makatatanggap ng 14th month pay ang mga manggagawa sa pribadong sektor kahit isang buwan pa lamang sa trabaho, kahit ano ang employment status, at posisyon sa kumpanya.
Sinasaad din sa panukala na hindi dapat bababa sa basic salary ng empleyado ang tatanggaping 14th month pay.
Sang-ayon naman ang TUCP sa pahayag ni Sotto na hindi sapat ang 25 pisong dagdag sa sahod na ipinatupad noong Nobyembre 2018 kumpara sa mataas na presyo ng bilihin sa kasalukuyan.
“Sabihin namim sa wage board na napakaliit na po ng value ng kasalukuyang sahod kung kaya’t hindi sapat na maitaguyod ng maayos at marangal ang isang pamilyang Filipino at kanyang mga anak,” ani ni Tanjusay.
TAAS PASAHOD
Kinatigan din ng TUCP ang panukalang batas ni Senator Ramon Revilla para sa 125-pisong dagdag sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor upang maibsan ang mabigat na pasanin dulot ng mataas na presyo ng bilihin.
Ayon kay Tanjusay, maliit na ang buying power ng mga Filipino sa kasalukuyang minimum wage at pawang mga malalaking negosyante ang nakikinabang sa pag-unlad ng ekonomiya at paggawa ng mga Filipino.
“Ang liit na ng value yung buying power ng kasalukuyang sahod higit sa lahat lumalago yung ating ekonomiya, lumalago yung ating mga negosyo sa bansa at tumataas ang productivity ng mga manggagawa pero ang yumayaman ay yung mga negosyante, yumayaman ay ang kaban ng gobyerno pero yung mga manggagawa na tumulong para itaguyod at iunlad yung ekonomiyang ito ay nananatiling mahirap,” dagdag pa ni Tanjusay sa Radio Veritas.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang ALU-TUCP sa mga negosyante at gobyerno upang makagagawa ng mga polisiya para sa ikaaangat ng pamumuhay ng mga manggagawang Filipino sa bansa.