200 total views
Hinimok ng bagong halal na tagapamalahala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth ang mga kabataan na makilahok sa ika-anim na serye ng Philippine Conference on New Evangelization na nakatuon ngayong taon sa ginugunita ng Simbahan na Year of the Youth.
Ayon kay Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon, incoming chairman ng kumisyon, bukod sa personal na pagkikilahok sa pagtitipon ay maari ring makibahagi ang mga kabataan sa pamamagitan ng internet at social media.
Paliwanag ng Obispo, mahalaga ang layunin ng pagtitipon na maibukas ang kamalayan ng mga kabataan sa kanilang mahalagang papel na ginagampanan para sa lipunan, Simbahan at sa buong daigdig.
Inihayag ni Bishop Alarcon na dapat na matuklasan ng mga kabataan kung paano magagamit sa kabutihan ng bayan, Simbahan at mas nakararami ang biyayang kakayahan na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa.
“I invite you to attend physically or if not just follow the event on the social media, in the internet because this will be a mini journey towards the importance of youth in the world and in the church today and also to realize our giftedness that we are given a mission to make a difference in the world, in our church, in our community and that we are a gift to the world…” pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam sa Radyo Veritas.
Tema ng ika-anim na serye ng PCNE ngayong taon ang “Filipino Youth Walking with Jesus” na hango sa ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika na Year of the Youth bilang bahagi ng siyam na taong paghahanda ng Simbahan para sa ika-500 taon ng Katolisismo sa Pilipinas.
Nakatakda ang PCNE VI sa ika-18 hanggang ika-21 ng Hulyo sa UST Quadricentennial Pavilion kung saan batay sa tala ng pamunuan ng PCNE umabot na sa 6,050 ang bilang ng mga nagparehistrong delegado para sa pagtitipon.
Si Bishop Alarcon ay isa lamang sa mga bagong naihalal na Obispo sa naganap na ika-119 na Plenary Assembly ng Catholic Bishops Conference of the Philippines upang pangasiwaan ang CBCP – Episcopal Commission on Youth kahalili ni Bagued, Abra Bishop Leopoldo Jaucian.
Magsisimula ang dalawang taong panunungkulan ng mga bagong opisyal ng CBCP sa unang araw ng Disyembre 2019 hanggang sa ika-30 ng Nobyembre 2021.