30,832 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng kagyat na pagbabago para sa kalikasan.
Sa inilabas na Pastoral Statement on the Environment ng CBCP, sinabi nitong simula pa noong 1988 sa paglalabas ng unang pastoral statement on Ecology na may titulong “What is Hapening to our Beautiful Land,” ay sinisikap na ng simbahan na matulungan ang mga mahihirap na magsasaka at mangingisda na apektado ng pagbabago sa kalikasan.
Bukod dito, patuloy din ang paalala at panawagan ng CBCP sa iba’t-ibang suliraning kinakaharap ng kapaligiran tulad ng pagmimina, at ang naganap na matinding lindol at bagyo noong 2013.
Dahil dito, kinikilala ng simbahan ang matinding pagkasira sa kalikasan na may malaki ring kaugnayan sa paglala ng kahirapan sa bansa.
“Poverty and environmental degradation mutually reinforce each other. Biodiversity is also a concern that has a direct connection to poverty and development. The poor in the rural areas are directly dependent on biodivere resources for food, fuel, shelter, medicine and livelihood.” bahagi ng Pastoral Letter.
Samantala, nakasaad din sa liham pastoral na sa paglalabas ng Encyclical na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco noong ika-18 ng Hunyo 2015, pinaigting din ng simbahan ang mga programa nito at pagpapaalala sa mamamayan ng mga dapat gawin upang mapigilan ang pagkasira ng kapaligiran.
Gayunman, dahil sa mga pag-aaral sa kapaligiran at ang kasalukuyang umiiral na mas matinding epekto ng climate change, hindi lamang sa Pilipinas kun’di sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig, naglabas na ng kautusan ang CBCP sa lahat ng mga Social Action Centers ng bawat simbahan na magkaroon ng “ecology desk.”
Tungkulin nito na gawing prayoridad ang pangangalaga sa kapaligiran ng bawat nasasakupan nito.
Bukod dito, ang bawat pagsasagawa ng mga kongkretong programa ng simbahan ay kinakailangang naka-ugat sa Laudato Si.
Kabilang sa mga ipatutupad na programa ng CBCP sa bawat simbahan ay ang palagiang pag-aaral sa mga komunidad patungkol sa kalikasan; pagsasabuhay ng mga itinuturo sa mamamayan tulad ng maayos na paghihiwalay at pagtatapon ng mga basura, at pagbabawas o hindi na paggamit ng single-use plastics.
Bukod dito, ipagpapatuloy at paiigtingin pa ang pagtatanim ng mga indigeneous plants o mga lokal na punong kahoy na poprotekta sa mga watershed.
Patuloy din ang pagtutol ng simbahan sa pagtatayo ng mga dam, pagmimina, at coal fired powerplants.
Sa halip, sisimulan ng bawat simbahan at iba pang institusyon na pinangangasiwaan nito na magpatayo ng mga renewable energy sources tulad ng solar, hydro, biomass at iba pa.
Ito ay bilang pagpapakita ng pagkondena maruming pinagkukunan ng enerhiya na mga coal fired power plants.
Isusulong din ng simbahan ang mga green bills na Rights of Nature, Forest Resources Bill, at Alternative Minerals Mining Bill, at patuloy naman nitong susuportahan at babantayan ang maayos na pagpapatupad sa National Land Use Act, Clean Air Act, Clean Water Act, at Ecological Solid Waste Management Act.
Umaasa ang simbahang Katolika na sa paglalathala ng liham pastoral ay mas mapalalakas ang kampanya upang mabilis na maiayos at matugunan ang mga suliranin sa kalikasan.
Nagpapasalamat din ang CBCP sa mga makakalikasang grupo, at faith-based organizations sa pagsuporta sa adhikain ng Santo Papa at ng buong simbahan na maprotektahan at mapangalagaan ang daigdig na nag-iisang tahanan ng bawat nilalang.