239 total views
Umapela ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) sa bawat mamamayan lalu na sa kabataan na makibahagi sa ng panawagan sa pamahalaan kaugnay sa mga maling nagaganap sa bansa.
Ayon kay AMRSP-executive Secretary Fr. Angel Cortes, kaisa ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) na itinatag ng AMRSP noong ng Martial Law ay mahalagang magkaisa ang taumbayan na maiparamdam sa pamahalaan ang galit at pagkondina sa kaguluhan at kawalan ng katarungan sa lipunan.
“Kami mula sa Association of Major Religious Superiors of the Philippines at ng Task Force Detainees of the Philippines ay inaanyayahan namin kayo na makiisa, makibaka at tulungan kami na talagang iparamdam natin yung galit natin sa ginagawa ng sasabihin ko ba ng gobyerno hindi lamang sa Simbahan,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Cortes sa panayam sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Pari, bagamat hindi naranasan at walang kaalaman ang mga kabataan sa mga pinagdaanan ng bayan sa ilalim ng Batas Militar ay dapat na maging bukas ang kamalayan ng bawat isa sa umiiral na sa karahasan sa lipunan sa ngayon na may pagkakatulad sa mga naganap sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Tinukoy ni Fr. Cortes ang makabagong paraan ng pagpapatahimik o ang pagpigil ng pamahalaan sa mga kritiko nito at ang modernong paraan ng pagpaslang sa mga mamamayan sa pamamagitan ng marahas na pagpapatupad sa kampaya laban sa kriminalidad at illegal na droga.
Giit ni Fr. Cortes, dapat na manindigan at patuloy na kumapit sa katotohanang hatid ng Panginoon ang bawat isa upang magsilbing gabay sa ganap na pagsusulong ng kaayusan sa lipunan.
“Hindi bulag ang mga kabataan, hindi tayo manhid para hindi natin maramdaman kung paano tayo pinapahirapan ngayon, alam ko maraming millennials ang nakikinig diyan hindi niyo man alam ang kasaysayan noong panahon ng batas militar pero ito ngayon nakikita niyo yung modernong pamamaraan ng pagpatay, yung modernong pamamaraan kung papaano tayo pinapatahimik, kayo na ang bahalang humusga at alam kong ramdam ng inyong puso na hindi tayo pababayaan ng Panginoon at kanino tayo kakapit? Katulad ng Veritas tayo ay kakapit sa katotohanan para sa ating bayan,” dagdag pa ni Fr. Cortes.
Puspusan din ang panawagan ng Simbahan sa malaking hamon sa mga kabataang Filipino ngayong Year of the Youth na nasasaad sa tema nitong ‘Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered’.
Ang Year of the Youth ang kasalukuyang ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika bilang bahagi ng siyam na taong paghahanda ng Simbahan para sa ika-500 taon ng Katolisismo sa Pilipinas.