231 total views
Binigyang diin ng Chaplain Service ng Philippine National Police na mahalaga ang tungkulin ng mga lingkod ng Simbahan sa gawain ng pulisya.
Ayon kay Police Col. Fr. Lucio Rosaroso Jr., Officer-In-Charge ng PNP-Chaplain Service, pinaiigting ng PNP ang paglilinis ng kanilang hanay upang maiwasan at tuluyang masugpo ang katiwalian ng mga pulis sa bansa.
“Very relevant talaga yung misyon namin, yung role namin especially nitong revitalized PNP internal cleansing strategy especially sa aspects of restorative and preventive. We have in fact several programs like for instance ngayon ay paigtingin natin itong values formations,” pahayag ni Fr. Rosaroso sa Radio Veritas.
Kasabay ng pagidiriwang sa ika-27 anibersaryo ng Chaplain Service ay nagpulong ang mga church leaders mula sa iba’t ibang pananampalataya, mga Regional Directors at National Capital Region Police Office upang talakayin ang ‘PNP Enhanced Revitalized Internal Cleansing Program’.
Hiniling ng pamunuan ng PNP ang tulong mula sa mga faith based groups sa pagpatupad ng programa dahil sa kakulangan ng tao sa chaplain service kung saan binubuo lamang ng halos 40 evangelical leaders kabilang na ang 28 mga Pari ng Simbahang Katolika.
“That is why we need the help of our faith based partners the accredited faith based groups so they help us in giving value formation on our men and women in uniform,” ani ni Fr. Rosaroso.
Kabilang sa binanggit ng Pari ang squadding system o ang Squad Weekly Interactive Meeting (SWIM) na binubuo ng 6 hanggang 8 police personnel na pamumunuan ng isang Life Coach o ng mga Pari, Pastor o Imam at mga nakatalagang faith based group na mamamahala.
Sa pagpupulong ng mga squad isang beses sa isang linggo, tatalakayin dito ang pagpapakatao, paglilingkod bilang tagapagpatupad ng batas at iba pang usaping may pagpapahalaga sa kapwa at lipunan.
“In that squad meeting, everything that has something to do with the life, service of the police, and everything will be tackled,” giit ni Fr. Rosaroso.
Ang squadding system ng Chaplain Service ng PNP ay katumbas sa programa nang simbahan na Basic Ecclesial Communities na pinalalakas ang samahan ng mananampalataya sa pamamagitan ng pagbuo ng mga grupo mula sa maliliit na komunidad ng sambayanan.
Sa ginanap na pagpupulong sa pagitan nina PNP Chief General Oscar Albayalde at Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle, napagkasunduan ng magkabilang panig ang pagtutulunga tungo sa pagkakaisa at pag-iral ng kapayapaan sa lipunan maging ang paglinis sa hanay ng pulisya.
Sa huli ay nanawagan si Fr. Rosaroso sa mga pulis na sundin at makiisa sa programang ipinatutupad upang mas maitaas ang moralidad ng pulisya bilang tagapagtanggol ng mga Filipino.
“We have to obey and of course abide by the pronouncement of the Chief PNP especially the revitalized internal cleansing strategy; kung meron tayong mga seminars, mga value formations so let’s allow ourselves to do all this things for the good of the organization and for the good of ourselves,” saad ni Fr. Rosaroso.