303 total views
Itinuturing na bad investment ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang paglaan ng pondo sa family planning program ng gobyerno.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng Permanent Committee on Public Affairs, dapat suriin ng pamahalaan ang resulta ng ipinatupad na programa sa pagpapamilya tulad ng “Reproductive Health law” upang malaman ang epekto nito sa lipunan.
“Ang gobyerno nag-invest ng milyun-milyong pera para matigil ang paglago ng populasyon dito sa Pilipinas pero sa kabila nung implementasyon ng RH Law lumalabas ngayon na walang impact para mapababa ang bilang ng mga Filipino; kapag ang resulta ng investment negative at hindi mo nakuha ang desired result, considered yan na bad investment,” pahayag n Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Ito ang tugon ng Pari sa inilabas na pag-aaral ng Commission on Population and Development (POPCOM) na nagsasabing higit sa dalawang milyong katao ang nadadagdag sa populasyon ng Pilipinas bawat taon.
Iginiit ni Fr. Secillano na dapat sumangguni ang mga nagpapatupad ng programang pampamilya sa kung ano ba ang nararapat paggastusan sa bilyun-bilyong pisong halaga ng salapi na inilaan ng pamahalaan sa family planning program.
Dahil dito hinimok ng opisyal ang Commission on Audit na suriing mabuti ang ahensyang nagpatupad sa programang pagkontrol ng populasyon.
“Dapat ang gawin ngayon ng Commission on Audit imbestigahan nila ano ba ang nangyari doon sa pondo inilaan nila sa Reproductive Health Law, kasi ang lumabas mukha naman yatang hindi ito masyadong napapansin, natutukan baka sila nakikinabang,” ani ni Fr. Secillano.
Binigyan diin ng Pari na nasasayang lamang ang pondong inilaan sa family planning ng gobyerno kung hindi nakukuha ang ninanais na resulta na mapababa ang bilang ng mga nanganganak.
Noong 2018 naglaan ang pamahalaan ng 3.6 na bilyong pisong pondo para sa family planning kabilang na dito ang pamamahagi ng mga artificial birth controls tulad ng pills, condom at iba sa mga health centers sa bansa.
Sinabi ng Pari na mas mahalagang tutukan ng pamahalaan ang pagpapalawak sa mga programang makatutugon sa pangunahing pangangailangan ng mga Filipino tulad ng pagkain, pabahay at edukasyon kung saan may posibilidad na aangat ang antas ng pamumuhay ng mahihirap na Filipino.
WASTONG PANGARAL SA KABATAAN
Iminungkahi ni Fr. Secillano na pag-ibayuhin ang pangangaral sa mga kabataan hinggil sa usaping sekswal upang magkaroon ng sapat na kamalayan sa negatibong epekto sa kinabukasan.
Inihayag ng Pari na mahalagang magtulungan ang bawat sektor tulad ng pamilya, simbahan at paaralan sa paggabay sa kabataan at maipaunawa ang kakaharaping panibagong susuungin na suliranin kung maagang mamulat sa buhay pagpapamilya.
“Dapat sa mga classroom, talagang hindi pinagpaliban yung sex education at kung ano ang maging impact at epekto nito sa buhay nila bilang mga kabataan dahil kapag gumawa nito [premarital sex] at nakabuntis, kasiraan yun ng kinabukasan kasi wala pang kakayahan na magtaguyod ng pamilya,” ani ni Fr. Secillano.
Paliwanag ni Fr. Secillano na bilang kabataan at nag-aaral pa lamang ay nakadepende pa ang gastusin sa magulang kaya’t nakadadagdag sa kahirapan sa lipunan ang maagang pag-aasawa nang walang sapat na kaalaman at kakayahan.
Sa pag-aaral pa ng POPCOM sinabi nitong nasa 500 kabataang Filipino sa edad na 15 hanggang 19 na taong gulang ang nanganganak kada araw o katumbas ng 196 libo bawat taon batay na rin sa tala ng United Nations Population Fund.
Patuloy pa ring naninindigan ang Simbahang Katolika sa pagsusulong ng natural family planning dahil ang pagtataguyod sa mga artificial birth control ay nagpapaiba sa pananaw ng kabataan sa kahulugan ng pagtatalik na dapat ay sagrado at ginagawa lamang ng mga mag-asawa.
“Sa simbahan isinusulong natin ang natural family planning method, yung mga artificial birth control tingin ko ay mas lalo lang maiiba yung kanilang [kabataan] pananaw na yung sex pala ay pwedeng gawin kahit anong oras dahil meron namang proteksyon samantalang yung proteksyon naman na to ay hindi naman pala epektibo,” dagdag pa ng Pari.
Hinimok rin ng mga lingkod ng Simbahan ang bawat magulang na subaybayan ang kabataan sa paggamit ng internet lalo na sa social media na itinuturing isa sa pangunahing nagbigay impluwensya sa lipunan sa kasalukuyang panahon.