187 total views
Maituturing na diversionary tactic lamang ng administrasyon ang pagdadawit at pagsasampa ng kaso sa iba’t-ibang personalidad at ilang mga opisyal ng Simbahan sa planong destabilisasyon laban sa pamahalaan.
Ito ang pananaw ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias kaugnay sa isinampang sedition case ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa 35-indibidwal kabilang na ang ilang lider ng Simbahan na ibinase sa pahayag ng walang kredibilidad na testigo.
Iginiit ng Obispo na dahil sa kasalukuyang hindi magandang imahe ng Pilipinas sa international community ay maituturing na diversionary tactic ng administrasyon ang pagsasampa ng kaso laban sa mga kritiko upang mapatahimik ang mga ito at malihis ang atensyon ng sambayanan mula sa tunay na sitwasyon ng bansa.
“Iyan ay ginagawa lamang na sa palagay ko ay ginagawang diversionary tactic ng gobyerno kasi napaka-sama ang imahen ng Pilipinas ngayon sa ibang bansa at kaya pinatataas din ang rating tapos mayroong mga ganyan, diversionary tactic lang yan…”pahayag ni Bishop Tobias sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang hinamon ni Bishop Tobias ang mga mamamayan na manindigan para sa kapakanan ng Pilipinas lalo na mula sa pamumuno ng mga lider ng bayan na walang malasakit at pagpapahalaga sa kabutihan ng mas nakararami.
Samantala, bukod sa suporta mula sa iba pang mga Obispo at sa mismong Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ay nagpahayag na rin ng suporta at pakikiisa ang Sangguniang Layko ng Pilipinas sa kinahaharap na kaso at pag-uusig ng ilang mga Pari at mga opisyal ng Simbahan mula sa kasong isinampa ng PNP-CIDG.
Kabilang sa mga sinampahan ng Sedition Case ay sina CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Former CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Robert Reyes at Jesuit Priest na si Fr. Albert Alejo.