166 total views
Tinawag ng Obispo na walang paninindigan ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos isama sa kasong sedition case ang mga pari at Obispo.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity lumalabas na katawa-tawa ang ginagawa ng pulisya dahil sa pagtitiwala nito sa mga haka-haka lamang ng hindi katiwa-tiwalang mga tao.
“Ang nakakalungkot na ginagamit ang mga government agencies lalo na ang PNP para magtaguyod nito. Una lumalabas na katawa-tawa sila, pero lumalabas din na wala silang paninindigan sa kanilang sarili, mga ganyang bintang-bintang na wala namang katotohanan ay kanilang isinusulong, ibig sabihin na sila ay walang paninindigan, sunudsunuran lamang sila at talagang yan ay pang harass lang sa mga tao.” Bahagi ng pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Obispo, kitang-kita na ito ay uri ng pang-ha-harass sa mga kritiko ng pamahalaan at pananakot sa mga kinatawan ng simbahan na tumututol sa kasamaan sa lipunan.
Naninindigan si Bishop Pabillo, na walang bisa ang kasong isinasampa dahil gawa-gawa o haka-haka lamang ang mga ito.
“Alam po natin na yung pagsasampa ng mga kaso ay isang harassment na ginagamit para sa mga critics ng pamahalaan kaya yan ay nakikita namin na talagang wala namang bisa itong mga harassment, mga haka-haka lang.” Dagdag pa ng Obispo.
Batay sa ulat ang kasong Sedition na isinampa laban kina Vice President Leni Robredo at 35 indibidwal kabilang na sina dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, kasalukuyang CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., Fr. Robert Reyes, Fr. Albert Alejo at Fr. Flaviano Villanueva.
Ipinagtanggol naman ng pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Obispo at Pari na sinampahan ng naturang kaso.