216 total views
Labis ang pasasalamat ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa mananampalatayang dumalo at nakiisa sa solidarity mass na ginanap sa Immaculate Conception Cathedral nitong ika – 27 ng Hulyo.
Ayon sa Obispo ito ay nagbigay ng sapat na lakas ng loob at tapang na harapin ang anumang pagsubok na pinagdadaanan ng tao dahil sa pag-ibig ng Diyos na ipinadama sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga mananampalataya.
“We see the power of prayer which an expression of deep love, kapag tao ay nagdarasal nagkakaroon ng lakas, talagang lakas ng Diyos, doon ka huhugot ng kailangan mong harapin anuman ang krisis na dapat mong harapin sa buhay,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi pa ni Bishop Ongtioco na pananalangin ay isinusuko sa Diyos ang lahat ng mga pinagdadaraanan at nagpapasailalim sa kalooban ng Diyos.
Ang solidarity mass ay inisyatibo ng pari ng diyosesis bilang pagpakita ng suporta sa kanilang pinunong pastol na kabilang sa 35 indibidwal na sinampahan ng kasong sedition na iniugnay sa pagkalat ng videong ‘Ang Totoong Narcolist’ ni Peter Joemel ‘Bikoy’ Advincula.
Sa homiliya ni Fr. Steve Zabala, ang Vicar General ng diyosesis iginiit nito na hindi kailanman gawain ng kanilang Obispo ang paninira ng mga tao at higit sa lahat ang paninira sa pamahalaan subalit isa itong taong nagpapastol sa milyong mananampalataya na iniatang sa kanyang pangangalaga.
“The passion of Bishop Nes is the passion of the Good Shepherd – caring for the flock, gathering them safely in God’s embrace, feeding them with God’s Word, and protecting with God’s providence,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Zabala.
Patuloy ipinagdadasal ng mamamayan ang ikatatagumpay ng pamahalaan at umaasang nawa’y pairalin ng mga namamahala ang katarungan, pagkakapantay-pantay at higit sa lahat ang katotohanan kasabay ng pagtiyak ng buong sambayanan kay Bishop Ongtioco ng kanilang buong suporta.
“Bishop Nes we gather here today to show you our support, we are here to stand with you.”
Binigyang diin naman ni Bishop Ongtioco na sa tulong ng Banal na Espiritu at ng buong sambayanan ay iiral ang katotohanan sa lipunan kaya’t hinimok ang bawat isa na ipanalangin ang katotohanan sa pagiging mga anak ng Diyos at muling iginiit ang pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa sa pamayanan.
“I am a man of peace and I always be a man of peace,” giit ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Bukod sa diyosesis ng Cubao ay sabay ding ginawa ang solidarity mass para kay Bishop Ongtioco sa Diyosesis ng Bataan sa pangunguna ni Bishop Ruperto Santos bilang dating nanilbihan si Bishop Ongtioco sa Bataan bago italagang Obispo ng Cubao noong 2003.