190 total views
Nagpasalamat ang Caritas Damayan ng social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila sa mga nakiisa sa isinagawang bloodletting activity noong Biyernes sa Caritas Manila compound.
Ayon kay Gilda Garcia, program manager ng Damayan, nakatutuwa ang pagtugon ng mamamayan sa panawagang magbigay ng dugo para sa mga taong mangangailangan nito.
“Malaki ang pasasalamat ko at very unexpected kasi kahit first time ni Caritas Manila magkaroon ng blood letting activity marami po ang nagpa-screen; nandun po yung interes nila at gusto sa puso nila na mag-donate,” pahayag ni Garcia sa Radio Veritas.
Kinilala ng Caritas Manila ang pakikilahok ng iba’t ibang sektor tulad ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection, Presidential Security Group maging ang mga kawani ng Caritas Manila at ng Radio Veritas.
Dahil sa positibong resulta binabalak ng social arm ng arkidiyosesis na muling magsagawa ng bloodletting activity upang higit pang mapalawak ang mga programang makatulong sa nangangailangan.
Katuwang ng Caritas Manila ang Dugong Alay Dugtong Buhay, isang grupong naglalayong magbigay ng libreng dugo sa mga pasyenteng mangangailangan lalo’t higit sa mga kapos palad, Serving Heart Fondation, Good Samaritan Program – public service program ng Radio Veritas at ang Cardinal Santos Medical Center.
Sa higit 100 indibidwal na nagpa-screen halos 60 porsyento dito ang kuwalipikado at nakapag-donate ng dugo.
Binigyang diin ni Garcia na ang gawain ay tugma sa adbokasiya ng simbahang katolika at sa misyon ni Hesus na lingapin ang mga dukha sa pamayanan.
“Itong blood-letting activity very significant siya kasi ang ating pinakamisyon ng Caritas Manila is to serve the most indigent and marginalized people,” giit ni Garcia.
Aniya, ang pagtutulungan ng mga grupo na maisakatuparan ang blood-letting activity ay naging tulay sa mga mahihirap na mabawasan ang kanilang mga alalahanin kung dumating ang pagkakataon na mangangailangan ng dugo.
Hinimok ng Caritas Damayan ang mamamayan na makiisa at suportahan ang mga programang nakatuon sa mahihirap at nangangailangan upang maging kaisa sa pagtupad sa misyon ni Hesus sa mundo.