233 total views
Nakalulungkot sa isang Katolikong bansa na mataguriang nangunguna sa pinakamapanganib na bansa sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.
Ayon kay Fr. Edu Gariguez-executive secretary ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace/Caritas Philippines, ito ay hindi lamang sa mga environmentalist kundi maging ang pagpaslang sa mga human rights defenders.
“Yun nga po ang nakakapagpabagabag. Parang wala ng konsensiya ang mga taong gumagawa niyan, at sa likod ng mga hired killers na mga yan ay yung may mga interes na nasa likod na pino-protektahan. Kagaya ng mga may-ari ng lupa na malalaki, kagaya ng mga nasa likod ng proyekto ng mga minahan at eto’y mga tao din na sabi nga natin ay mananampalataya din at mga Kristiyano din,” ayon kay Fr. Gariguez.
Sa ulat ng Global Witness watchdog para lamang sa taong 2018 may 30 ang naiulat na pagpaslang sa Pilipinas.
“Kaya parang, kung ganito ang nangyayari, sumasalamin ito sa hindi magandang kultura ng pagpatay. Sampal din satin bilang Kristiyanong bansa, hindi natin naisasabuhay yung pagpapahalaga sa buhay. Kasi nga yung pro-life na sinasabi natin na paninidigan para sa buhay, hindi lang para dun sa mga bata na hindi pa naisisilang, kundi yung kabuuan ng buhay,” dagdag pa ni Fr. Gariguez sa panayam ng Radio Veritas.
Bagama’t nakakabagabag, tiniyak naman ni Fr. Gariguez na magpapatuloy ang mga nakikibaka para pangalagaan ang kalikasan maging ang mga nagtatanggol sa kanilang mga lupaing sakahan.
Ilan sa mga posibleng dahilan ng pagpaslang ayon kay Fr. Gariguez ng pagpaslang ay development, pagtatanggol sa mga lupang mana, at mga lupang sakahan.
Serye ng pagpaslang sa Negros
Inihayag din ni Fr. Gariguez na nakikipag-ugnayan na rin ang Caritas Philippines sa social action centers sa Negros dahil sa sunod-sunod na patayan na nagaganap sa isla.
Nakikiisa rin ang pari sa panawagan nina San Carlos Bishop Gerardo Alminaza; Dumaguete Bishop Julito Cortes, Bacolod Bishop Patricio Buzon at Kabankalan Louie Galbines sa pagpapatunog ng mga kampana bilang panawagan sa mga nasa likod ng pagpaslang na mapukaw ang puso at magbalik loob sa Panginoon.
Kaugnay nito, hinimok ng Pari ang pamahalaan na gumawa ng mga hakbang upang matigil na ang culture of impunity sa bansa.
“Dahil tayo nga ay humihiling ng katarungan at sana naman ay gumawa ng nararapat ang pamahalaan at gobyerno para naman matigil yung pagpatay dahil nga sa atin ay mahalaga ang buhay.Talagang napakasama ng larawan ng ating bansa sa buong mundo. Lalo’t higit pa kung ang gobyerno mismo ay may kinalaman kaya hindi mabigyan ng control, hindi mapigil ang ganitong mga karumal-dumal na pagpatay,” ayon pa sa pari.
Tiniyak ng pari na patuloy na magiging kaakibat ng mamamayan ang simbahang katolika sa anumang uri ng paniniil bilang bahagi ng paglilingkod sa Diyos at sa simbahan.
Sa loob lamang ng sampung araw, 21 katao ang napatay sa Negros Occidental mula sa kabuuang 74 na pinaslang simula noong taong 2017.