173 total views
Pormal na binuksan ng University of Santo Tomas ang academic year 2019 – 2020 sa pagdiriwang ng taunang Misa de Apertura.
Pinangunahan ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang Banal na Misa kung saan hinamon ang mga estudyante at guro na ipagpatuloy ang paghahanap ng katotohanan at ipalaganap sa lipunan.
“Ang hamon sa atin is to continue to seek the truth and upon the discovery of truth adhere to it,” pahayag ni Bishop Alarcon sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na malaking hamon sa bawat mamamayan ang paghahanap ng katotohanan sa gitna ng paglaganap ng fake news partikular sa social media.
Umaapela si Bishop Alarcon sa mga estudyante na maging kabahagi sa misyon ng Panginoon sa pagpapalaganap ng mga natutuhan sa loob ng mga silid-aralan partikular na ang katotohanang nararapat maiparating sa publiko.
“As students this is our tasks, our mission, and the works of the Lord not only in the classrooms but we are invited to bring it to the community, to the society so that we may bring light to all,” ani ni Bishop Alarcon.
Sa homiliya ng Obispo pinaalalahanan nito ang mananampalataya na huwag kalimutan ang pagninilay sa mga Salita ng Diyos upang maging gabay sa paghahanap ng katotohanan.
Sinabi ni Bishop Alarcon na ang pagsasagawa ng Misa de Apertura ay bahagi ng tradisyon sa bawat pagbubukas ng klase bilang paanyaya sa Panginoon na maging gabay sa paglalakbay sa buong taon.
“It is our tradition, our practice, that before we embark of a particular thing we invoke the name of the Lord, the mass of the Holy Spirit we ask for the assistance, the guidance of the triune God so that our endeavors will be blessed,” ani ng Obispo.
Matapos ang Banal na Misa, isinagawa naman ang Discurso de Apertura sa pangunguna ni Dr. Maria Minerv Calimag M.D., Ph.D., ng UST Faculty of Medicine and Surgery, isang academic lecture na taunang ginagawa para sa mga estudyante at guro ng institusyon.
Ngayong taon halos 14, 000 mga bagong estudyante ang kikilalanin sa tradisyonal na ‘Thomasian Welcome Walk’ sa Arch of the Centuries sa ika – 6 ng Agosto bilang tanda ng pagsisimula ng panibagong yugto ng buhay ng mga bagong estudyante na pangungunahan ni Rev. Fr. Jesus Miranda Jr., O.P ang Secretary General ng University of Santo Tomas.