176 total views
Napapanahon na upang muling maipamalas ang tunay na pagkakaisa ng Simbahan.
Ito ang panawagan ng Association of Major Religious Superior in the Philippines (AMRSP) sa bawat mamamayan partikular na sa mga mananampalataya kaugnay sa pagkakabilang ng ilang mga Pari at Obispo sa 35-indibidwal na sinampahan ng kasong sedisyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ayon kay AMRSP Executive Secretary Rev. Fr. Angel Cortez, mahalagang maging mapagpatyag at ipalamas ng mananamapalataya ang pakikiisa sa paghahanap ng katotohanan at katarungan sa lipunan.
Hinimok rin ng Pari ang mga mananampalataya na patuloy na manalangin bilang suporta sa mga lingkod ng Simbahan na idinadawit sa sinasabing destabilisasyon laban sa pamahalaan.
“Nananawagan ako na patuloy tayong maging mapagmatyag, manalangin tayo kasama ng ating mga pastol at samahan natin sila sa laban patungo sa katotohanan, kailangan nila tayo sa mga pagkakataong ito, kailangan nating ipakita na ang Simbahan ay iisa at hindi tayo watak-watak, anumang alegasyon, akusasyon na ibinabato sa atin kung talagang wala naman talaga tayong itinatago lalabas at lalabas ang katotohanan…”pahayag ni Father Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Pari na maituturing na paniniil sa Simbahan at sa mga layko na kritiko ng kasalukuyang administrasyon ang pagdadawit sa mga ito sa sinasabing planong destabilisasyon laban sa pamahalaan na batay lamang sa walang kredibilidad na si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy.
Tiwala naman si Father Cortez na mangingibabaw ang katotohanan at katarungan dahil sa dahil sa kawalan ng kredibilidad ng pangunahing testigo sa kaso.
“Alam naman natin ngayon ang Simbahan ay muli na namang sinisiil sa pamamagitan nitong kasong sedisyon laban sa mga Obispo at sa mga ilang mga layko na katuwang ng Simbahan at sa ganitong pamamaraan nakita natin na ang katotohanan ay lalabas at lilitaw maraming akusasyon, maraming pinagbibintangan pero wala naman talagang pruweba…” Dagdag ni Fr.Cortez.
Kaugnay nito, tiniyak ni Fr. Cortez sa mga Pari, mga Obispo at mga inosenteng layko na kabilang sa mga kinasuhan ng sedition ang suporta at pananalangin ng AMRSP.
Pagbabahagi ng Pari, walang dapat na ikatakot ang 35-indibidwal na napabilang sa kinasuhan ng PNP-CIDG sapagkat kaisa ng mga ito ang mga mananamapalataya, mga relihiyoso at mga relihiyosa sa laban para sa katotohanan at katarungan sa lipunan.
Kabilang sa mga sinampahan ng Sedition Case ay sina CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Former CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Robert Reyes at Jesuit Priest na si Fr. Albert Alejo.
Samantala, bukod sa suporta mula sa iba pang mga Obispo at sa mismong Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ay opisyal na ring nagpahayag ng suporta at pakikiisa ang Sangguniang Layko ng Pilipinas at ilan pang grupo sa kinahaharap na kaso at pag-uusig ng ilang mga Pari at mga opisyal ng Simbahan.