196 total views
Umaapela si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag magdeklara ng martial law sa Negros island sapagkat hindi ito makatutugon sa suliranin sa lalawigan.
Iginiit ni Bishop Alminaza na usapang pangkapayapaan ang nararapat na pairalin sa lalawigan sa halip na batas militar at iginiit na dapat tugunan ang pinakaugat ng kaguluhan upang makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
“We also appeal to the President NOT to declare “Martial Law” in Negros,”pahayag ni Bishop Alminaza.
Ipinaliwanag ng Obispo na napatunayan noong martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na hindi natugunan ang suliranin sa lupain, rebelyon at hindi nakamtan ang tunay na kapayapaang hinahangad ng bawat Filipino kundi mas lumala ang paghihimagsik ng mamamayan hanggang sa kasalukuyan.
Kapayapaan at pagwawakas sa patayan sa Negros ang patuloy na hinaing ng mga residente sa lugar kasabay ng paghahanap ng katarungan sa mga biktima ng karahasan.
“As we pray for justice and for the souls of our dear departed who became victims of the Negros “killing fields”, once more, we fervently express our people’s longing for peace and our urgent cry to end the killings!,” ani ng Obispo. Sa pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sinabi nitong maaring gamitin ng pangulong Duterte ang emergency power sa pagsailalim sa batas militar ng Negros island upang mawakasan ang sunod-sunod na patayan sa lugar.
Nababahala ang mamamayan ng Negros lalo’t batay sa tala, 13 katao ang napatay mula ika – 23 ng Hulyo na karamihan ay mga tagapagtanggol sa karapatang pantao, kalikasan, mga pinaghihinalaang tagasuporta sa makakaliwang grupo at ilang pulis na tinambangan ng mga hinihinalang New People’s Army.
Ikinalungkot ni Bishop Alminaza ang pagpadala ng mga elite force ng pulisya sa lugar dahil sa pangambang mas higit pang lumala ang sitwasyon sa lugar.
“We are saddened that instead of negotiating for an end to armed hostilities, the government has recently deployed 300 elite police Special Action Force commandos in the Negros island,” saad pa ni Bishop Alminaza.
Paalala ng Obispo sa pamahalaan at maging sa kabilang panig na hindi tugon ang militarisasyon sa pagkakamit ng kapayapaan at pagkakaisa kundi resolbahin ang kawalang katarungan sa lugar kaya’t mahalagang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) and National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
“We also ask both sides to: 1) declare a unilateral ceasefire and 2) embrace the pathways to peace such as addressing socio-economic reforms (land reform, national industrialization) and the provision of social services (health, education and housing),” ani ng Obispo ng San Carlos.
Sa huli, nanawagan si Bishop Alminaza na wakasan ang karahasan at simulan ang pag-uusap para sa kapayapaan at pagkakaisa sa lipunan.
“As the Negros church bells continue to ring every 8PM, we call on the GRP and NDFP to listen to the collective cry of the people, “End violence! Stop the killings! Talk PEACE, NOW!,” giit ng Obispo.