175 total views
Sikaping ipadama ang pagmamahal at makilakbay sa mga taong nakararanas ng same sex attraction.
Ito ang panawagan ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Family and Life sa isinagawang conference na Courageous Love: Journeying towards Christ with Persons who experience Same Sex Attraction, sa Layforce Chapel, San Carlos Seminary noong ika-1 ng Agosto.
Ayon sa Arsobispo, layunin ng pagtitipon na paigtingin ang aksyon ng simbahan sa pagsama at pakikilakbay sa mga nakararanas ng same sex attraction.
Bagamat nananatili itong hamon sa lahat, sinabi ni Abp. Garcera na nagsusumikap ang simbahan na ipadama ang pagmamahal at maranasan ng mga indibidwal na ito na sila ay kabilang at hindi malayo ang simbahan.
“Ginagamit natin yung sinasabi ni Pope Francis na Pastoral accompaniment.Tamang tama na ngayon ay Year of the Youth at may mga kabataan last year mayroon silang sulat sa atin at sinasabi nila we want to belong, to be recognized, at itong ginagawa natin ngayong Courage Program ay pagkakataon na marinig sila, matanong ang ating sarili specially the church, how can we accompany these people? Tamang tama [itong conference] in response to their appeal that they belong, they want to share, they want to be listened to, eto na yon.” pahayag ni Abp. Garcera sa Radyo Veritas.
Nilinaw naman ng Arsobispo ang mariin paring pagtutol ng simbahan sa pagsasama ng mga taong pareho ang kasarian.
Sinabi ni Abp. Garcera na minamahal at tinatanggap ng simbahan ang mga taong dumaraan sa pagsubok na ito, kaya naman tutulungan din sila na makapamuhay ng malinis at moral.
Ipialiwanag din niya ang kasagraduhan ng sakramento ng pag-iisang dibidb na tanging para lamang lalaki at babae.
“On the part of the church kinakailangan makita natin na even si Pope Francis would say No to same sex marriage, very clear yan sa amoris laetitia, na sinasabi na napakahirap ihambing ang tinatawag na same sex union sa real sacrament of marriage which is between man and woman.” pahayag pa ng Arsobispo.
Dahil dito, tiniyak ni Abp. Garcera na magpapatuloy ang simbahan sa pakikilakbay sa mga taong may same sex attraction upang matulungan ang mga ito na makilala ang kanilang tunay na katauhan.
Bagamat mayroon nang 30 bansa sa buong mundo na nagsalegal ng same sex union, binibigyang diin sa encyclical na Amoris Laetitia, na kailan man ay hindi maihahalintulad o magiging kapantay ng same sex union ang sakramento ng kasal na nilikha ng Diyos para lamang sa lalaki at babae.