171 total views
Ang maayos na lipunan ay nangangailangan ng mga mamamayang kumikilala at sumasabuhay sa taglay na dignidad at karapatan ng bawat isa.
Ito ang paalala ng Encyclical ni Pope John the 23rd noong 1963 na Pacem in Terris sa pagkakaroon ng maayos at mapayapang lipunan.
Sa ganitong konteksto ay nagpahayag na ng pagkabahala ang Commission on Human Rights kaugnay sa patuloy na pagtaas ng bilang ng karahasan at napapaslang sa lalawigan ng Negros.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, lubos na nakababahala ang sitwasyon sa lalawigan ng Negros kung saan sa loob lamang ng halos isang linggo ay nasa 21-indibidwal na ang naiulat na pinaslang.
Kinumpirma ni Atty. De Guia na naglunsad na rin ng imbestigasyon sa lalawigan ang central at regional office ng CHR upang maimbestigahan ang lahat ng mga kaso ng pagpaslang kabilang militarisasyon sa lalawigan.
Umaapela naman si Atty. De Guia sa mga pulis sa lalawigan upang pahintulutan at makipagtulungan sa CHR investigators upang magkatuwang na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng lahat ng mga biktima ng pagpaslang sa Negros Occidental at Negros Oriental.
“Investigators from CHR coming both from its central and regional offices have been deployed to Negros to investigate these killings, involving police officers, a lawyer, educators, and even a child. Every motive is being pursued, especially that allegations of the government and communist rebels being accountable for the executions are being floated. In the end, the final determination of the truth behind these cases can be ferreted out through an objective investigation. We then ask the PNP to allow cooperation with CHR investigators on the ground, specifically for requests for cases’ information, so we can both serve justice to the families and loved ones left behind due to these senseless killings.”pahayag ni de Guia.
Samantala, binigyang diin naman ni Atty. De Guia na hindi dapat na gamiting dahilan ang sitwasyon upang magdeklara ng Martial Law sa lalawigan.
Iginiit ni De Guia na hindi dapat maging normal o makasanayan ng mamamayan ang pagpapatupad ng batas militar sa bansa na batay sa konstitusyon ay dapat na ipatupad lamang kung may rebelyon, paglusob o invasion at kung talagang kinakailangan ito para sa kaligtasan ng publiko.
Naunang umapela si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag magdeklara ng Martial Law sa Negros island sapagkat hindi ito makatutugon sa suliranin sa lalawigan.
Read: Simbahan, natatakot sa militarisasyon sa Negros island
Naglabas din ng panalangin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa kapayapaan at katotohanan.
Read: Panalangin ni Cardinal Tagle sa mga inuusig, pagkakaisa at kapayapaan