181 total views
Nagpasalamat si CBCP-vice president, Kaloocan Bishop Pablo Virgilio David sa mananampalatayang nakiisa sa isinagawang prayer vigil bilang pagpakita ng suporta sa hamong kinakaharap ng obispo at ilan pang mga lingkod ng simbaan.
Ayon kay Bishop David naging makatotohanan ang tugon ni Hesus sa kanyang mga panalangin na hindi ito nag-iisa sa gitna ng mga pagsubok bilang pinunong pastol sa mahigit isang milyong mananampalataya ng Diyosesis ng Kaloocan.
“Salamat sa lahat ng dumalo sa “Prayer Vigil” na ito mula sa iba’t ibang mga parokya, eskwelahan at mga “mission stations” ng ating diocese, sa inyong malasakit sa akin bilang inyong obispo sa panalangin, naramdaman ko talaga ngayong gabi na HINDI NGA PALA AKO NAG-IISA,” bahagi ng pahayag ni Bishop David.
Nababahala rin si Bishop David sa pagkadawit ng kanyang pangalan sa 36-kataong kinasuhan ng kasong kriminal ng Department of Justice kung saan unang isinampa ng PNP-CIDG ang sedition case kaugnay sa pagpakalat ng videong ‘Ang Totoong Narcolist’.
Sa pahayag ni Peter Joemel ‘Bikoy’ Advincula idiniin nitong mga taga-oposisyon at ilang lingkod ng simbahan ang nasa likod ng pagpakalat ng videong nag-uugnay sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa Pilipinas.
Ayon pa kay Bishop David, bukod sa kasong sedisyon, isinampa rin ng DOJ ang inciting to sedition, estafa, cyber-libel at obstruction of justice.
Binigyang diin ng ikalawang pangulo ng kalipunan ng mga Obispo na kasalukuyang nahaharap sa epidemya ng depresyon ang lipunan na dulot ng pagkabahala, karahasan, pang-aabuso at kawalan ng pag-asa dahil sa karukhaan kaya’t mahalaga bilang pastol ng kawan ng Diyos na patuloy manindigan para sa kabutihan ng nakararami kahit ito’y may kaakibat na panganib.
“Tayo rin nawa, katulad ng ating mahal na Patron [San Roque], ay tumugon nang may malasakit, kahit pa ito’y ating ikapahamak,” ani ng Obispo.
Ibinahagi pa ni Bishop David na patuloy itong nakipagtulungan sa pamahalaan sa pagpatupad ng mga programang nakabubuti sa mamamayan katulad ng edukasyon, disaster-response program, environmental protection program, malnutrition mitigation program, urban poor resettlement program, mental health program, at ang ating community based drug rehabilitation program.
SUPORTA NG BUONG DIYOSESIS
Sa opisyal na pahayag ng diyosesis na binasa ni Fr. Jerome Cruz ang Vicar General ng diyosesis mariin nitong kinondena ang mga maling paratang laban kay Bishop David.
“It is to the highest degree that we condemn any effort of anyone to besmear the integrity and dignity of our shepherd Bishop Pablo Virgilio S. David,” bahagi ng opisyal na pahayag ng diyosesis.
Nanindigan ang diyosesis na ang kanilang pinunong pastol ay tulad ni Hesus na naging tinig sa mga maliliit sa lipunan, nagpapahayag lamang ng katotohanan para sa kapakinabangan ng mamamayan, nagtatanggol at nagpapahalaga sa dignidad ng buhay.
Bilang tinig sa mga pilit pinatatahimik ng karahasan, mga naulilang pamilya dahil biktima ng giyera kontra droga at lumilingap sa mga naiwang maybahay at mga kabataang nawalan ng magulang.
Sinabi pa sa pahayag na hindi kailanman nakikisangkot ang kanilang obispo sa anumang banta ng destabilisasyon laban sa pamahalaan.
“We denounce any attempt to link our shepherd to any allegation of destabilization of government that has been labeled against him.”
Giit ng diyosesis na ang mga kasong isinampa kay Bishop David ay pawang kasinungalingan at walang sapat na basehan maging si Hesus ay alam ang tunay na adhikain ng Obispo na isinasabuhay ang mga gawain at misyon ng Panginoon sa paglilingkod sa pamayanan ng Diyos.
Naniniwala ang mamamayan na mangingibabaw ang katotohanan sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap ng ilang mga lingkod ng simbahang katolika.
“Our prayers and sacrifices are directed to the noble intention that truth, justice, peace and above all God’s love may reign supreme in every heart and in our nation.”
Nauna nang nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mananampalataya na magkaisang manalangin bilang suporta at pakikiisa sa mga pastol ng simbahang kabilang sa kinasuhan ng sedisyon.
Read: CBCP, naglabas ng Solidarity Prayer para sa mga inuusig na obispo at pari
Panalangin ni Cardinal Tagle sa mga inuusig, pagkakaisa at kapayapaan
Maging si Bontoc Lagawe Bishop Valentin Dimoc at Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle ay nagpahayag ng pakikiisa at hinimok ang bawat isa na mag-alay ng mga panalangin para sa mga lingkod na inuusig sa pamamagitan ng mga maling paratang dahil sa paninindigan sa katotohanan.