202 total views
Pinangalanan ng Ramon Magsaysay Awards Foundation ang mga indibidwal na makatatanggap ng prestihiyosong parangal sa Asya ngayong taon.
Kabilang sa mga bibigyang parangal ay si Raymundo Pujante Cayabyab o mas kilalang Maestro Ryan/Mr. C sa Pilipinas dahil sa ambag nito sa lipunan sa pamamagitan ng mga likhang awitin na nagbibigay inspirasyon sa kulturang Filipino mula dekada setenta hanggang sa kasalukuyan.
Ayon pa sa RMAF, kahanga-hanga ang pagpupursige ni Maestro Ryan sa paghahanap, pagbabahagi ng talento at karunungan maging ang pagtataguyod ng mga talentadong kabataang Filipino sa pandaigdigang entablado na nagbibigay karangalan sa Pilipinas.
Bukod kay Cayabyab, kinilala rin ng RMAF ang ilang indibidwal mula sa iba’t ibang bansa sa Asya na maituturing na may malaking ambag sa paglago at pag-unlad sa lipunan sa pamamagitan ng kani-kanilang mga adbokasiya.
– Kim Jong-ki ng South Korea na nagtataguyod ng mga programa para sa mga kabataan na mapataas ang moral at kamalayan sa pakikipagkapwa tao at malabanan ang umiiral na kultura ng bullying at karahasan sa lipunan sa iba’t ibang pamamaraan.
– Ko Swe Win ng Myanmar, kinilala sa paghahayag ng katotohanan hinggil sa usaping panlipunan at makatarungang pagbabahagi ng impormasyon kasabay ng pagsusulong ng karapatang pantao sa buong daigdig.
Ravish Kumar ng India, kinilala sa pagiging propesyonal, wastong pamamahayag at patuloy na naninindigan sa katotohanan, katapatan at malayang paghahayag ng mga saloobin lalo na sa mga walang boses sa lipunan o yaong mga maliliit na sektor sa pamayanan.
Angkhana Neelapaijit ng Thailand, kinilala dahil katapangang makamit ang katarungan para sa kanyang asawa at iba pang mamamayang biktima ng karahasan sa Thailand, paghahangad na makamit ang pagbabago sa hindi maayos na sistemang pangkatarungan sa bansa na nag-uugat ng pang-aabuso at kawalang katarungan sa lipunan na nagbunga ng pagbaba sa kaso ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa Thailand.
Ang pagkilala ng RMAF sa limang indibidwal sa Asya ay dulot na rin ng kanilang hindi matatawarang adbokasiya sa lipunan na nakatutulong hindi lamang sa kani-kanilang mga bansa kundi maging sa pandaigdigang komunidad.
Anila, ang mga gawain ng mga awardees ay nakaugat sa paggalang sa dignidad ng tao na maaring maging inspirasyon sa bawat mamamayan na maging huwaran sa lipunan.
Ang Ramon Magsaysay Award na itinatag noong 1957 ay isa sa pinakamataas na parangal sa Asya na ibinibigay sa mga indibidwal, grupo o institusyong tunay na naglilingkod sa bayan at magpapabago sa lipunan tulad ng gawain ng dating Pangulong Ramon Magsaysay ng manungkulan ito sa Pilipinas.
Sa kabuuan na 61 taong pagbibigay pagkilala umabot na sa 330 mga indibidwal at institusyon ang kinilala ng RMAF kabilang na ang Radio Veritas na ginawaran ng pagkilala noong 1986 dahil sa patuloy paglilingkod sa bayan sa kabila ng mga banta ng karahasan partikular na sa makasaysayang mapayapang pagtitipon ang EDSA People Power.
Gaganapin ang awarding ceremony sa limang awardees ng RMAF ngayong taon sa Cultural Center of the Philippines sa ika – 9 ng Setyembre.