134 total views
Itinuturing na “eye opener” ang naging pagkabahala ng Simbahang Katolika sa patuloy na pagdami ng kaso nang Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa bansa na karamihan ay mga kabataan.
Bunsod nito, nagpahayag ng kagalakan ang Commission on Human Rights sa opisyal na paglagda ng Department of Health (DOH) sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act na naglalayong mas mabigyan ng kahalagahan ng pagtugon sa kaso ng HIV sa bansa.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, malaki ang maitutulong ng tama at naangkop na implementasyon ng nasabing batas upang matugunan at masolusyunan ang patuloy na paglaganap ng sakit sa bansa.
“The Commission congratulates the Department of Health (DOH) for the signing of the Implementing Rules and Regulations (IRR) of the RA 11166 or Philippine HIV and AIDS Policy Act. With the IRR, we can now look forward to the expedient and proper execution of the said law, which is a concrete step in the efforts to curb the growing Human Immunodeficiency Virus (HIV) epidemic in the country.” pahayag ni de Guia.
Nasasaad sa IRR ang pagtutok hindi lamang sa kapakanan at kalusugan ng mga people living with HIV kung maging sa pagtiyak na hindi makararanas ang mga ito ng anumang uri ng diskriminasyon sa lipunan.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ang mangangasiwa ng care at support programs sa mga pasyente.
Nakapaloob rin sa naturang batas ang pag-aatas sa Philippine National Aids Council bilang overall in-charge sa pagpapatupad ng AIDS Medium Term Plan upang mapigilan ang patuloy pang pagkalat ng sakit.
Pahihintulutan na rin na sumailalim sa HIV test ang mga menor de edad mula 15 hanggang 17-taong gulang kahit walang pahintulot ng magulang o mas nakatatanda.
Batay sa tala ng United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) sa Pilipinas naitala ang pinakamabilis na pagtaas ng bilang ng may HIV-AIDS sa Asia and the Pacific region kung saan batay sa datos ng DOH nasa mahigit 93,400 na mga Filipino na ang naitalang may HIV sa bansa.
Nauna ng iginiit ng CBCP Episcopal Commission on Healthcare na ang moralidad ng mga kabataan ang isang dapat pakatutukan sa halip na paggamit ng mga contraceptive tulad ng condom na maaring maging ugat lamang sa pagkalat ng imoralidad at ng HIV AIDS sa bansa.