169 total views
Maging instrumento ng Panginoon sa pagpapahayag ng katotohanan.
Ito ang hamon ni Lipa Abp. Gilbert Garcera, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines- Episcopal Commission on Family and Life sa pagbubukas ng 5th National Catholic Media Convention sa Monte Maria, Mother of all Asia Shrine sa Batangas City.
Tatlong bagay ang ipinaalala ng Arsobispo sa mga delegado na miyembro ng Social Communications Ministry ng mga Diyosesis at Arkidiyosesis upang maitaguyod ang katotohanan.
Una na dito ang babala o “Warning” na nagmumula sa ebanghelyo.
Sinabi ni Bishop Garcera na ipinapaalala ng Panginoong Hesus lalo na sa kasalukuyang henerasyon na sa paggamit ng Social Media ay mahalagang pag-isipan at pagnilayang mabuti ang lahat ng bagay na pi-no-post o inilalathala.
Ikalawang binigyang diin ni Abp. Garcera ang kahalagahan ng pakikihalubilo kay Hesus sa pamamagitan ng panalangin.
Ayon sa Arsobispo, sa pamamagitan ng pananalangin at pakikinig sa Panginoon ay gagabayan at tutulungan tayo ng Espiritu Santo.
Sa huli, hinimok ng Arsobispo ang bawat isa na tularan ang pagpapanibago ni Hesus sa pamamagitan ng “Renewal for Truth”.
Ayon kay Abp. Garcera, sa gitna ng lantarang paglaganap ng fake news, at paninira, mahalagang mapaninago ng Social Communications Ministry ang pagpapahayag ng balita na nakabatay sa katotohanan.
“Lantaran ang fake news lantaran ang kwentong pananakit ngunit ang pagtitipon natin ngayon, media practiotioners, ay pagpapanibago tulad ng pagpapanibago ni Hesus ng anyo.” Pahayag ng Arsobispo.
Umaasa ang Arsobispo na nawa sa pagpapanibagong matatamo ng mga delegado ay maging instrumento ang bawat isa sa tunay at tapat na pamamahayag.
“The renewal for truth ang pagpapanibago na tayo ay instrumento ng Diyos upang ipahayag ang kanyang katotohanan.” Dagdag pa ni Abp. Garcera.
Sa pagsisimula ng apat na araw na pagtitipon nakapagtala ng mahigit 180 delegado ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications.
Bukod kay Abp. Garcera, dumalo din sina Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, kasalukuyang Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Social Communications at ang incoming chairman nito na si Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr.
Magtatapos ang 5th National Catholic Media Convention sa ika-9 ng Agosto.