204 total views
Hinimok ng isang lingkod ng Simbahan ang mamamayan na tutulan ang tukso na pumipigil sa paghahanap ng katarungan at katotohanan.
Sa talumpati ni Father Albert Alejo, SJ sa Misa ng Katarungan, Katotohanan at Kapayapaan binigyang diin nito ang kalituhan sa pag-iisip ng mga tao sa pagitan ng katotohanan at paggawa ng kabutihan.
“We must resist the temptation of disconnecting doing good and seeking the truth,” bahagi ng pahayag ni Fr. Alejo.
Sinabi ng Pari na hindi sapat ang paggawa ng mabuti katulad ng ginagawa ng simbahan at mga grupo na lumilingap sa mga biktimang nalulong sa ipinagbabawal na gamot at pagkalinga sa mga naulilang pamilya sa extrajudicial killings.
Iginiit ni Father Alejo na higit na kinakailangan ang masusing paghahanap ng katotohanan sa pinakaugat ng suliranin.
“It’s not enough to do good, we have to seek the truth and it’s not enough to seek the truth, we have to resist untruth and lies,” ani ng Pari.
Si Fr. Alejo ay kabilang sa 36 na indibidwal na sinampahan ng kasong sedition, inciting to sedition, cyber-libel, estafa at obstruction of justice dahil sa pag-uugnay ni Peter Joemel ‘Bikoy’ Advincula sa paglaganap ng videong ‘Ang Totoong Narcolist’ na aniya’y layuning sirain ang administrasyong Duterte.
Binigyang diin ng Pari na hindi ito ang panahon na aatras sa paghahanap ng katotohanan kundi higit itong isulong lalo na sa gitna ng mga kasinungalingan at maling paratang na ibinabato sa mga indibidwal na pumupuna sa maling pamamaraang ginagamit sa pagsugpo ng ilegal na droga at kriminalidad sa bansa.
Hinimok ng Pari ang mananampalataya na huwag manahimik sa gitna ng umiiral na karahasan at pang-aapi subalit magkaisang manindigan para sa katarungan, katotohanan at kapayapaan.
Sinabi pa nitong sa pagbibigay kanlungan sa mga biktima ay katumbas ng paghahanap ng katotohanan dahil taglay ng bawat biktima ang katotohanan na maging daan matukoy ang ugat ng suliranin sa lipunan.
Nauna nang nagpahayag ng suporta ang Simbahang Katolika sa Pilipinas sa mga pastol na kabilang sa kinasuhan ng sedisyon at nanindigang ginagampanan lamang ang tungkulin sa paglilingkod sa mga nangangailangan ng tulong ng paglingap.