30,726 total views
Nagpahayag ng pagsuporta ang grupong Alyansa Tigil Mina sa mga katutubo na humaharap sa pagsubok dahil sa pagprotekta sa kalikasan at sa kanilang lupang minana.
Ayon sa grupo, labis na paghihirap ang kinakaharap ng mga katutubo dahil bukod sa pangambang pagkasira ng kalikasan ay nanganganib ding mawala ang kanilang buong tribo kasama na ang pinagsasalin-saling kultura.
“Alyansa Tigil Mina (ATM) supports the struggles of indigenous peoples all over the world. In their continuing journey to assert their right to self-determination and to defend their land, lives and culture, they have stood in front of destructive development projects and protect the forests, water and natural resources for everyone’s benefit.” Bahagi ng pahayag ng Alyansa Tigil Mina.
Inihalimbawa ng ATM ang suliraning kinakaharap ng mga Ifugao sa Brgy. Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya na nananawagan sa kanselasyon ng mining contract ng OceanaGold Philippines Inc.
Binigyang diin ng grupo ang panawagan sa pamahalaan para sa pagsasara ng minahan at ang panawagan din sa National Commission on Indigenous People na tiyaking kabahagi ang mga katutubo at lokal na komunidad sa mga konsultasyon sa pagtatayo ng minahan.
Sa pagtataya, umaabot sa 20 bilyong piso ang halaga ng pinsalang naidudulot ng OceanaGold sa mga bukid, watershed, at kabundukan ng Nueva Vizcaya.
Samantala, suportado din ng ATM ang mga katutubong Agta-Dumagat-Remontado sa Quezon at Rizal na nanganganib naman dahil sa pagtatayo ng Kaliwa Dam Project.
Bukod sa panganib na mawalan ng tirahan ang mga katutubo, sisirain din ng pagtatayo ng dam ang samu’t-saring buhay sa kabundukan ng Sierra Madre kabilang na ang endangered na mga hayop at halaman, na tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan.
“We stand in solidarity with the demands of the Stop Kaliwa Dam coalition to the DENR to withhold the issuance of the ECC for the Kaliwa Dam. The NCIP must likewise ensure that meaningful and genuine processes of securing the free, prior and informed consent of the affected indigenous communities are implemented.” Dagdag pa ng grupo.
Noong ika-9 ng Agosto ipinagdiwang ang World Indigenous Peoples Day.
Matatandaang una nang kinondena ng Kanyang kabanalan Francisco sa encyclical na Laudato Si ang ginagawang pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang ancestral lands, dahil sa pagpapapasok ng mga negosyo tulad ng plantasyon at mga pagmimina.
Aniya, kinakailangang ipaubaya sa mga ito ang pagdedesisyon ng dapat gawin sa kanilang lupain, at sundin ang nais nilang paraan ng pangangalaga sa kalikasan.