166 total views
Ipagpatuloy ang nasimulan sa nakaraang limang taon ng National Catholic Media Convention (NCMC).
Ito ang hamon ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications (CBCP ECSC), sa mga Social Communicators na dumalo sa 5th NCMC sa Lipa City, Batangas.
Labis din ang pasasalamat ng Obispo dahil sa pagdami ng mga delegadong dumadalo taun-taon sa pagtitpon at pagyabong ng mga karanasan ng bawat isa.
“Isang malaking pasasalamat dahil naging matagumpay at mabunga itong 5th National Catholic Media Convention. Harinawa sa tulong at awa ng Diyos ay maipagpatuloy ang mga nasimulan na alam natin gawa ng Diyos, Gawain ng Espiritu Santo.”pahayag ni Bishop Vergara sa Radyo Veritas.
Umaasa naman si Diocese of Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr.,incoming chairman ng CBCP-ECSC na sa susunod na taon ng N-C-M-C ay lalo pang mapauunlad ng simbahan ang kakayahang makasabay sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya.
Sinabi ng Obispo na malaking hamon ang lumalaganap na fake news sa internet subalit malaki ang potensyal ng maraming social communicators na magpapalaganap ng mabuting balita at tunay na pananampalataya ng mga katoliko.
“May network tayo ngayon of good news ibig sabihin dumadami ang nagbibigay ng good news not fake news at marami din tayong dapat maging organize to give that faith news hindi fake news ang balita ng ating pananampalataya.” Pahayag ni Bishop Maralit sa Radyo Veritas.
PAGHAHANDA SA 500-YEARS OF CHRISTIANITY
Samantala, bilang incoming Chairman ng CBCP ECSC, aminado si Bishop Maralit na malaking hamon ang paghahanda sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Gayunman, malaki ang pagtitiwala ng Obispo na sa pagtutulong-tulong ng mga Social Communicators ay magiging matagumpay ang pagsariwa sa pag-usbong ng pananampalataya sa Pilipinas.
“I know that the celebration of of the 500 years is coming so that will really make me work hard and I believe I will be up to the challenge because I am committing myself and I’ll be working with people na talagang equip in doing what I have to do because of their expertise, so I believe in them, what else can I do wrong with them.” Dagdag ni Bishop Maralit.
Naniniwala din si Bishop Vergara na sa patuloy na paghuhubog sa Social Communications Ministry ng Simbahan ay mapaiigting ang kampanya para sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng pinalakas na media ng simbahan ay maipahahayag hindi lamang sa Pilipinas kun’di sa buong mundo ang kagandahan ng pananampalatayang katoliko ng mga Filipino.
“Nakikita natin na lalo nating maipagdidiwang ang 500years dahil na ipangangalat po natin sa multi-media channels kung papano tayo maging proud na catholic country na for the past 500 years we are identified as the only catholic country in Asia at itong ating pagiging katolikong kristiyanong bansa ay hindi para sa atin para sa buong mundo kaya nga ang 2021 ay mission adjentes, mission to all peoples na ang pagiging misyonero ay ating lalong ipapangalat at ipapalaganap bilang hamon sa atin sa Pilipinas.” Pahayag ni Bishop Vergara sa Radyo Veritas.
Nitong ika-6 hanggang ika-9 ng Agosto ginanap ang taunang National Catholic Media Convention sa pangunguna ng CBCP ECSC.
Dito din pormal na ipinakilala si Bishop Maralit bilang kahalili ni Bishop Vergara sa pagiging chairman ng CBCP ECSC.
Magiging katuwang ni Bishop Maralit bilang executive secretary si Fr. Ilde Dimaano, Social Communications Director ng Archdiocese of Lipa, na s’yang hahalili sa outgoing executive secretary na si Fr. Lito Jopson, Social Communications Director ng Diocese of Pasig.
Sa unang araw ng Disyembre magsisimula ang panunungkulan ng mga bagong opisyal ng CBCP ECSC.