213 total views
Hinimok ng Obispo ng Tagbilaran ang mamamayan sa Bohol na makiisa sa isasagawang sabayang pagtatanim ng mga punong kahoy.
Ayon kay Bishop Alberto Uy ito ay bilang pakikiisa sa pangangalaga sa kalikasan upang mapanatiling maayos at kapakipakinabang sa mamamayan dahil ito ang nag-iisang tahanan ng sanilikha.
“To all parishes, BEC’s, religious organizations, schools, communities and ministries sa September 1 mananom na pod ta’g linibo ka mga kahoy [magtanim na naman tayo ng libu-libong mga kahoy],” panawagan ni Bishop Uy.
Ito rin ay pakikiisa ng diyosesis sa pagdiriwang ng Simbahang Katolika sa season of creation tuwing unang araw ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre sa kapistahan ni San Francisco ng Assisi.
Giit ng obispo, isang seryosong usapin ang global warming at unti-unting pagkasira ng daigdig dahil sa kapabayaan ng tao kaya’t mahalagang mapigilan ang tuluyang pagkasira nito para sa ikabubuti ng mga susunod na henerasyon bilang tagapagmana ng kalikasan.
“Our Mother Earth is bleeding and hurting. Everyone has to do something, contribution a solution,” ani ng Obispo.
Noong nakalipas na taon nakapagtanim ang diyosesis ng higit sa 50,000 iba’t ibang uri ng punong kahoy sa mga piling lugar sa Bohol sa tulong ng iba’t ibang grupo at mga komunidad na nagkaisa para sa pangangalaga sa kalikasan.
Nanawagan din si Bishop Uy sa mga Bol-anon na maghanda ng mga seedlings upang na magagamit at maipapamahagi sa pagtatanim ng mga puno.
Ang hakbang ay pagtalima sa panawagan ni Pope Francis sa ensiklikal na Laudato Si na pangalagaan ang kalikasan laban sa mapanirang gawain ng mga tao para sa kaligtasan ng bawat mamamayan.
Umaasa si Bishop Uy na magiging matagumpay ang tree planting activity sa pagbubukas ng Season of Creation at dalangin ang pagkakaisa ng mga Bol-anon na tinatayang nasa higit isang milyong Katoliko para sa kalikasan.