191 total views
Binigyang diin ng opisyal ng Radio Veritas 846 ang kahalagahan ng pagtatanghal sa mga banal na malaki ang ambag sa pagpapayabong ng pananampalataya tulad ng Mahal na Birheng Maria.
Ayon kay Rev. Fr. Roy Bellen, Vice President for Operations ng himpilan, ang pagkakaroon ng Marian exhibit ay pagpapahalaga sa pananampalataya at kultura ng mga Filipino na kilalang nagdedebosyon sa Mahal na Ina.
“Magandang tingnan din kung paano ang ating pananampalataya once in a while we also able to exhibit and showcase ika nga ng ating pananampalataya and also ng ating pagiging Filipino,” pahayag ni Fr. Bellen sa Radio Veritas.
Sinabi ni Fr. Bellen na ito rin ay isang hakbang upang labanan ang pagiging materyalismo ng tao kung saan abala sa makamundong mga bagay at nalilimutan ang pagbibigay panahon sa pananampalataya.
Ang pahayag ng pari ay kaugnay sa ika – 17 Marian Exhibit ng Radio Veritas sa Events Plaza ng Shangrila Mall sa Mandaluyong na binuksan noong ika – 15 ng Agosto at magtatapos naman sa ika – 13 ng Setyembre.
Umaasa si Fr. Bellen na sa pamamagitan ng pagsisikap ng Radyo ng Simbahan ay makatutulong itong mapalago ang pananampalatayang Katoliko ng mga Filipino lalo’t naghahanda ito sa ikalimang sentenaryo ng Katolisismo sa 2021.
“This exhibit is actually showcasing our being Filipinos and faith; hopefuly it inspire more people na hindi mahiya sa pagiging Katoliko at pagiging Filipino,” ani ng Pari.
Iginiit ni Fr. Bellen na dapat tularan ng mananampalataya ang pagiging mapagpakumbaba ng Mahal na Birhen upang iiral ang pagkakaisa at kapayapaan sa lipunan.
Ayon kay Father Bellen, ito ay makatutulong na sugpuin ang umiiral na kaguluhan sa pamayanan dahil sa pagiging mapagmataas at makasarili ng tao at ang kawalang paggalang sa karapatan ng kapwa.
“We have to be reminded of Mary yung kanyang virtue of humility; na kababaang loob na it actually answers alot of problems in our country and whole world,” saad ni Fr. Bellen.
Samantala sinabi naman ni Johnny Rios, Operations Division Manager ng Shangrila Plaza na ang pagtanggap ng establisimiyento sa Marian exhibit ay bilang pakikiisa sa adhikain ng Simbahan at Radio Veritas na mailapit sa mamamayan ang pananampalataya at debosyon sa Mahal na Ina.
“It has always been a traditional [of Shangrila] to host Marian exhibit here,” ani ni Rios sa Radio Veritas.
Kapwa inaanyayahan ni Fr. Bellen at ni Rios ang mamamayan na bisitahin ang exhibit sa level 3 ng establisimiyento mula ika – 15 ng Agosto hanggang ika – 13 ng Setyembre alas 10 ng umaga hanggang alas 10 ng gabi upang matunghayan ang halos 100 imahe ng Mahal na Birhen.