261 total views
Mahalagang ipanalangin ang paggabay ng Espiritu Santo sa lahat ng mga pinuno ng bansa upang ganap na magkaroon ng katarungan sa lipunan.
Ito ang ibinahagi ni Diocese of Kalookan Vicar General Rev. Fr. Jerome Cruz, Rector ng San Roque Cathedral sa isinagawang solidarity mass upang sama-samang ipanalangin ang mga Obispo, Pari, Relihiyoso’t Relihiyosa at mga Layko na inuusig dahil sa kanilang pagpapahayag ng katotohanan.
Ayon sa Pari, bahagi ng panalangin ng mga mananamapalataya ay ang paggabay ng Panginoon sa mga otoridad, hukom, prosecutors at sa iba pang mga nangangasiwa sa imbestigasyon sa kasong sedition laban sa 36 na mga personalidad sa sinasabing planong destabilisasyon laban sa pamahalaan.
“yung mga kahilingan ay very specific para sa katarungan, ipinapanalangin din natin ang pinuno ng bayan na ang biyaya ng Espiritu ay mapa-sa-ahat, sa lahat ng mga piskal, sa lahat ng mga judges, yung mga prosecutors, yung mga lahat ng nag-ha-handle ng kaso na hindi natin matatawaran ang kapangyarihan ng Diyos so ang panalangin ay yung kapangyarihan ng espiritu ay mapasa ating lahat…” pahayag ni Fr. Cruz sa panayam sa Radyo Veritas.
Pinangunahan ni Fr. Cruz ang naganap na solidarity mass sa San Roque Cathedral kung saan nakibahagi rin ang nasa 50 mga Pari ng diyosesis na gumagabay sa mahigit 1.2-milyong mananampalataya sa Diocese of Kalookan.
Isinagawa ang misa kasabay ng paggunita ng Solemnity of the Assumption of the Blessed Virgin Mary o ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat ng Mahal na Birheng Maria sa Langit na siya ring Bisperas ng Kapistahan ni San Roque na Patron ng Diocese of Kalookan.
Matatandaang noong nakalipas na buwan ng Hulyo ay inilaan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang prayer intention ang pagkakaroon ng pangkalahatang katarungan kasama ang pagiging tapat sa tungkulin ng mga opisyal tulad ng mga hukom, mahistrado at iba pang mga nasa katungkulan kung saan nakasalalay ang pagkakaroon ng katarungang panlipunan.
Umaasa rin ang Santo Papa na hindi magtagumpay ang anumang uri ng kawalang katarungan sa lipunan.