159 total views
Ito ang naging pagsasalarawan ni CBCP Vice-President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa grupo ng mga mananampalataya na nagpapahayag ng suporta hindi lamang sa kanya kundi maging sa iba pang mga lingkod ng Simbahan na inuusig dahil sa pagpapahayag ng katotohanan.
Itinuturing ni Bishop David na “Prayer Power” ang ipinapamamalas na pagkakaisa sa pananalangin ng mga mananamapalataya na isang bagong anyo ng paninindigan at paglaban ng mga mamamayan sa mga maling nangyayari sa bansa.
Binigyan diin ng Obispo na ang suporta at pananalangin ng mga mananampalataya at iba’t- ibang institusyon ng simbahan tulad ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines, Sangguniang Laiko ng Pilipinas at iba pang lay institutions ay nagpapalakas ng loob ng mga lingkod ng Simbahan sa paninindigan sa katotohanan.
“Gusto kong magpahayag ng aking taos-pusong pasasalamat sa Association of Major Religious Superiors (in the Philippines) gayundin sa Sangguniang Laiko (ng Pilipinas) at iba pang mga Lay movements. This is good ang tawag ko Prayer Power the new form of resistance we don’t call it people power we call it prayer that binds people together, in solidarity together…” pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radyo Veritas.
Naniniwala si Bishop David na madagdagan pa ang mga prayer warrior na mariing nananalangin para sa katotohanan, kapayapaan at kapakanan ng bansa.
“Ang solidarity natin hindi naman kailangang physical we can express yung solidarity spiritually also kaya tinawag ko siyang “Prayer Power”. Panawagan ko is dumami pa ang mga prayer warriors para sa kapayapaan sa ating bansa, para maresolba itong ating mga hinaharap na pagsubok…” dagdag pa ng Obispo.
Sa kanyang counter-affidavit, nilinaw ni Bishop David na hindi maituturing na sedition ang kanyang pagtulong sa mga biktima ng extra-judicial killings at pakikipagtulungan sa local na pamahalaan para sa rehabilitation ng mga drug dependent.
Ipinaalala naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity sa mamamayan na hindi tugon ang pananahimik sa mga walang basehang pang-aatake sa bansa.
Iginiit ng Obispo na ang pananahimik sa hindi makatarungang pag-atake sa kahinaan ng mamamayan ay sasamantalahin lamang ng ilang indibidwal.
“This [silence] is a good way to respond to personal attacks, but when the attacks are being done against others unjustly, silence is not an option. To keep silent is to allow the aggressor to bully the innocent victims,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Naninindigan si Bishop Pabillo na hindi dapat manahimik ang sambayanan sa kawalang katarungang nagaganap sa isang komunidad tulad ng pagpaslang sa libu-libong Filipino na hinihilang sangkot sa iligal na droga.
Pinuna ng Obispo ang pananahimik ng mamamayan sa karahasan sa Negros provinces at Mindanao kung saan 90 na mga katutubo, magsasaka, human rights advocate, mga abogado at kasapi ng PNP ang napaslang sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“Do we have to wait for the killings to spread to other dioceses? Injustice in one area is injustice to all, like a wound in a part of the body makes the whole body sick.” pahayag ng Obispo
Tinukoy din ni Bishop Pabillo ang pananahimik ng marami sa walang basehang akusasyon sa 36 na indibidwal na kinasuhan ng sedisyon dahil sa hayagang pagpuna sa mga maling polisiya ng kasalukuyang administrasyon.
“Silence is not an option. We have to speak – and now! Defend the innocent. Denounce the aggression. Call the accusations for what they are lies!” panawagan ni Bishop Pabillo
Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa mamamayan na sumusuporta hindi lamang sa kanya kundi sa iba pang mga Obispo, Pari at Laiko na pinararatangan ng pakikisangkot sa oposisyon sa sinasabing destabilisasyon laban sa pamahalaan.
Ayon sa Obispo, mahalagang patuloy na manindigan sa tama at suportahan ng mamamayan ang mga ginigipit ng pamahalaan upang maipamalas ang pagkakaisa para sa pagkakaroon ng katarungan at kaayusan sa bansan.
Iginiit ni Bishop Bacani na nararapat na ipakita ng mamamayan ang hindi pangsang-ayon sa mga maling nagaganap upang mawakasan ang kawalan ng katarungan, kasinungalingan at karahasan sa lipunan.
“Nagpapasalamat kami at magpatuloy sila na mag-demonstrate ng support sa mga inaakala nila, sa mga Obispo at Pari at mga pinaparatangan ng hindi totoo. Ipakita sa gobyerno na nagrereact ang mga tao, kung baga, sobra na, tama na, tigilan na”.
Isa lamang si Bishop Bacani sa mga lingkod ng Simbahang Katolika na kabilang sa 36 na personalidad na sinampahan ng sedition case ng PNP-CIDG kasama sina CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Former CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Robert Reyes at Jesuit Priest na si Fr. Albert Alejo.
Ika-9 ng Agosto ng isinagawa ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation sa kasong sedition, cyber libel, libel, harboring a criminal at obstruction of justice na isinampa ng PNP-CIDG laban sa 36 na mga personalidad na kilalang kritiko ng kasalukuyang administrasyong Duterte na ipagpapatuloy sa ika-6 ng Setyembre.