162 total views
Nagpahayag ng panalangin at pakikidalamhati ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa pagpanaw ni dating environment Secretary Gina Lopez.
Ayon kay Dra. Marita Wasan- pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas maituturing si Lopez na “Lady Laudato Si” na nagbigay katauhan sa encyclical letter na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco kaugnay sa tamang na pangangalaga sa kalikasan at sangnilikha.
Ibinahagi rin ni Wasan ang pagsisilbing Keynote Speaker ni Lopez sa naganap na Biennial Conference ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa Albay sa kanyang pagmamahal sa kalikasan at kung papaano ganap na mapaganda at mapapangalagaan ang mga isla sa bansa hindi lamang para sa pang-ekonomiyang kapakinabangan kundi para sa mga susunod pang henerasyon.
“LADY LAUDATO SI’- In the Biennial Conference of the Sangguniang Laiko ng Pilipinas, Ms. GINA LOPEZ, as Keynote Speaker, flew to Albay to speak about LOVE for the environment and how she wants to help the Islands develop economically and wholitically. Decades before people fought mightily for nature, she had achieved many unprecedented victories for mother earth. She is the personification of Laudato Si’, preaching and acting upon the message of caring for our common home,” ang bahagi ng pahayag ni Wasan.
Paliwanag pa ni Wasan, hindi matatawaran ang paninindigan ni Lopez ng kanyang adbokasiya na mapangalagaan ang kalikasan hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita kundi maging sa mga aktuwal na mga programang kanyang ipinatupad upang maisakatuparan ito.
Binigyang diin ni Wasan na si Lopez ay maituturing na isang mabuting halimbawa para sa mga makakalikasan at mga lider ng bayan.
Pagbabahagi ni Wasan, mananatili sa mga mamamayan lalu na sa mga mananampalatayang Katoliko ang mga alaala at legacy ni Lopez bilang isang tagapamahala ng likas na yamang biyaya ng Panginoon.
“A true environmentalist and a shining example of selfless leadership. We, Catholics and all men of goodwill, mourn of her passing away, yet celebrate her LEGACY,” dagdag pa ni Wasan.
Ayon sa pahayag ng ABS-CBN Corporation pumanaw sa edad na 65-taong gulang si dating DENR Secretary Gina Lopez dahil sa multiple organ failure.
Nagsilbing DENR Secretary si Lopez sa loob ng 10-buwan makaraang hindi aprubahan ng Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa kabila ng maikling panunungkulan bilang kalihim ng DENR ay naipag-utos nito ang pagpapasara at suspensyon ng may 28 minahan sa buong bansa dahil sa mga nakitang paglabag nito sa mga environmental law.