199 total views
Ganito inilarawan ng Kanyang kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang buong linggo ng pagdiriwang ng mga ordinasyon at pagtatalaga sa mga Obispo sa iba’t-ibang mga Diyosesis sa Pilipinas.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle sa pagdiriwang ng banal na misa ng pagtatalaga kay Malolos Bishop Dennis Villarojo, sinabi nito na sang-ayon sa motto ng Obispo na “Consolamini Popvle Mevs” o “Be Consoled my People”, isang pagpapala o konsolasyon para sa simbahan ang mga pagdiriwang para sa mga bagong Obispo.
Ika-20 ng Agosto inordinahan si Iligan Bishop Jose Rapadas mula sa Diocese of Ipil, itinalaga naman nang ika-21 ng Agosto sa Diocese of Malolos si Bp. Dennis Villarojo, kasunod ang ordinasyon kay Novaliches Bp. Roberto Gaa nang ika-22 ng Agosto, ang pagtatalaga sa kan’ya sa ika-24 ng buwan sa katedral ng Novaliches at ang ordinasyon naman ng bagong Auxiliary Bishop ng Archdiocese of Cebu na si Bishop-Elect Midyphil Billones sa ika-27 ng Agosto.
CONSOLAMINI POPVLE MEVS
Dagdag pa ng Cardinal, isa ring kahulugan nito ay ang pag-aliw o aluin at damayan ang mga naghihirap, at nagdurusa.
Aniya, kinakailangang mabuksan ang paningin at puso ng isang tao upang mamulat ito, at matutunang kalingain ang mga tunay na nagdurusa.
“Kapag sinabing aliwin damayan kalingain ibig sabihin nun binubuksan din ang mata sa mga nag durusa kapag bulag sa pagdurusa hindi mo na rin parang kailangan yun panawagan na magbigay ng comfort kalinga at aliw.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Inihalimbawa pa ng Cardinal ang karanasan ng mga taong naging biktima ng karahasan, mapanira at masasakit na mga salita, mga maling akusasyon at ang mga migrante at refugee na napipilitang lumikas ng kanilang sariling bansa dahil sa kaguluhan.
Aniya, ang mga taong ito ay naghahanap ng pagkalinga at pagdamay ng Panginoon, at maipadarama ito sa pamamagitan ng pagkalinga ng kapwa.
Sinabi ni Cardinal Tagle, na ipinagkakatiwala ng Panginoon sa mga tao ang tungkuling maging katuwang Niya sa pagdamay sa mga nagdurusa.
“In the midst of unspeakable sorrow, the sorrow brought about by violence, harsh words, by biting criticism, often unfounded the destruction of name of people, and then you have this mobility of people, the millions of refugees. The cry of the earth the cry of humanity where is consolation, where can I find comfort, God will come, God will shepherd, God will console.” Dagdag pa ng Kardinal.
Bilang pagsasabuhay ng pakikiramay at pagkalinga sa kapwa, ang Diocese of Malolos ay matagal nang mayroong 15 na mga Charitable institutions na nangangalaga sa iba’t-ibang biktima ng pang-aabuso.
Mayroon itong para sa mga kababaihang sinasamantala at sinasaktan, bahay ampunan para sa mga bata, mga matatanda, mga may problema sa pag-iisip, at rehabilitation center para sa mga nalulong sa masamang bisyo.
Batid ni Cardinal Tagle na ang bawat mananampalataya ay mayroon ding sariling mga suliranin sa buhay, subalit ito ay tanda lamang ng konsolasyong tinatanggap ng bawat isa mula sa Panginoon.
Dahil dito, marapat lamang aniya na ibahagi din sa kapwa ang pagdamay at pagkalingang ito na nagmumula sa Diyos.
“Yung konsolasyon na tinatanggap natin mula sa diyos ay para makabigay ka din ng konsolasyon sa iba,” pahayag pa ng Cardinal.
Sa huling bahagi ng pagninilay, hinamon naman nito ang mga pari, relihiyoso at relihiyosa, at mga layko na bumubuo sa Diocese of Malolos na maging konsolasyon at pagpapala din para naman kay Bishop Villarojo.
Hinimok nito ang bawat isa na igalang at suportahan ang bagong Obispo ng Diyosesis upang sama-samang mapaunlad ng bawat isa ang mayamang kultura na kakibat ng pananampalataya ng mga bulakeño.
Si Bishop Villarojo ay nagsilbing Auxiliary Bishop sa Archdiocese of Cebu na siya ngayong ikalimang Obispo na mamumuno sa Diocese of Malolos.
Tinatayang mayroong 196 na mga aktibong pari ang diyosesis, at binubuo ito ng 109 na mga parokya.