343 total views
Binigyang diin ng pinuno ng Military Ordinariate of the Philippines na malaki ang tungkuling ginagampanan ng Mahal na Birheng Maria sa sanlibutan.
Ayon kay Bishop Oscar Jaime Florencio, si Maria ang nagsisilbing Ina ng sanlibutan na kumakalinga at gumagabay patungo sa landas ng kanyang Anak na si Hesus at sa kaharian ng Diyos Ama.
“Mama Mary is the Queen of All Christians and creations. It is very important because we need to have a mother, somebody who knows ad somebody we can turn to and a protectress that leads us to Jesus her Son,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na kinikilala ng mga Filipino ang Mahal na Birhen hindi lamang ng mga Katoliko kundi maging ng ibang pananampalataya kaya’t tinagurian ang Pilipinas na Pueblo Amante de Maria o mga taong namimintuho sa Mahal na Birhen.
Ang pahayag ni Bishop Florencio ay kaugnay sa pagdiriwang ng kapistahan ng pagiging Reyna ng Mahal na Birhen na ginugunita tuwing ika – 22 ng Agosto.
Sinabi pa ng Obispo, na dapat maging huwaran ng bawat isa ang mga halimbawa ni Maria na buong kababaang loob na sumunod sa Diyos Ama.
Ipinaalala ni Bishop Florencio na sa mga pagsubok na kinakaharap ng mamamayan sa kasalukuyan ay marapat na tingnan at hilingin sa Mahal na Birhen ang patnubay at patuloy na paggabay sa pamamagitan ni Hesus.
Ipinaliwanag ni Bishop Florencio na sa pagluwal ni Maria kay Hesus bilang tao ay tinitiyak nito sa sangkatauhan na may Ina na handang umaagapay sa bawat hamon na kinakaharap.
“Ipinapakita ni Maria through giving birth of the only begotten Son that we can always be assured that there is a mother who always console us in the midst of sufferings and difficulties,” ani ni Bishop Florencio.
Sa kapistahan ng pagiging Reyna ng Mahal na Birhen ipinaalala rin sa lahat na si Maria ang Reyna ng kapayapaan kung saan adhikain nito ang palaganapin ang pagkakaisa ng bawat nilalang upang iiral ang pagkakasundo sa buong pamayanan.
Sa pamamagitan ni Hesus ang bugtong na Anak ng Diyos ay hated nito ang kapayapaan nang ipinanganak ng Mahal na Birhen.
“Mama Mary is the Queen of Peace because as we all know that she brought the prince of peace – Jesus!” pahayag ng Obispo
Sa Pilipinas higit sa kalahating porsyento ng mga Simbahan ang nakatalaga sa Mahal na Ina kung saan halos 50 dito ang canonically crowned.