1,258 total views
Ang mga kabataan ay may pambihirang tungkulin para sa pagbabago at kabutihan ng lipunan.
Ito ang inihayag ni Sr. Ma. Lisa Ruedas, DC – Justice, Peace and Integrity of Creation Coordinator ng Daughters of Charity sa mahalagang gampanin ng mga kabataan para sa bayan.
Tinukoy ng Madre ang pambihirang katangian, enerhiya at pagiging mapamaraan ng mga kabataan.
Natitiyak ni Sister Ruedas na malaki ang maitutulong ng mga kabataan sa bayan sa pamamagitan ng pakikilahok at pakikiisa sa mga usaping panlipunan tulad ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa buhay at dignidad ng bawat tao.
“Inspiring na makita natin ang kilos ng mga kabataan at gustong makiisa para bigyan ng kahalagahan ang buhay. Panawagan ko rin sa mga kabataan na sana makikilahok, makikisa at bibigyan nila ng napaka-significant ng role yung certain special quality. Talagang buong pugay na magpapakita na ang buhay ay very important and I believe that the youth has really a very special role towards the transformation of the society…” pahayag ni Sister Ruedas sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa paggunita ng Year of the Youth ay mariing tinatawagan ng Simbahang Katolika ang mga kabataan upang aktibong makibahagi sa mga usaping panlipunan, aktibong pakikisangkot sa mga gawing makapagpapabago sa kinabukasan ng bansa tulad ng pakikibahagi sa halalan.
Ang paggunita ng Year of the Youth o Taon ng mga Kabataan ng Simbahang Katolika sa bansa ay bahagi ng paghahanda para sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas sa taong 2021.
Naunang umapela ng panalangin at suporta ang CBCP – Episcopal Commission on Youth para ipamalas ng mga kabataan Filipino ang kanilang angking kakayahan sa pagpapalaganap ng misyon ng Simbahan at pag-unlad ng lipunan.