308 total views
Ito ang pagninilay ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila sa paggunita ng National Heroes Day sa bansa ngayong ika-26 ng Agosto.
Paliwanag ng Pari, nilikha ng Diyos ang bawat nilalang hindi lamang mabuhay para sa kanyang sarili kundi sa kapakanan rin ng kanyang kapwa.
“Ang mga Bayani ang huwaran natin ng tunay na lingkod. Nilikha tayo ng D’yos hindi para mabuhay sa sarili kundi sa kapwa.” pahayag ni Fr.Pascual sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ni Fr. Pascual na ang paghahandog ng sarili sa Panginoon, sa kapwa at sa bayan ang pinakamatayog na uri o paraan ng pamumuhay.
Iginiit ng Pari na ang katangian ito ang pinaka-mabuting halimbawa para sa mga kabataang Filipino na naghahanap ng mga huwaran sa kanilang paglaki at pagiging ganap na bahagi ng lipunan.
“Ang paghahandog ng sarili sa Dyos At bayan ang pinakamatayog na uri ng pamumuhay. At inspirasyon sa lahat lalo na sa kabataan na tumitingala sa nakakatanda ng halimbawa.” saad ni Fr. Pascual.
Sa bahagi ng pananampalatayang Katoliko, itinuturing na bayani ang mga karaniwang taong sinaksihan ang kanilang pananampalataya sa hindi pangkaraniwang paraan.
Tinukoy ng Pari ang mga martir at santo na mga huwaran kung paano mabuhay bilang mga tagapagpalaganap ng Mabuting Balita sa isang magulo at kumplikadong mundo.
Hindi rin nalalayo ang mga katangian ng isang bayani sa mga martir at santo na nagsulong at naghahangad ng katarungan at pagbabagong hindi lamang nakatuon sa sarili kundi para sa kanyang bayan.
Sa paggunita ng Year of the Youth ay tinatawagan ng Simbahang Katolika ang mga kabataan na aktibong ibahagi ang kanilang sarili para sa kabutihan at kapakanan ng bansa sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga usaping panlipunan.