242 total views
Malugod na inanunsyo ng European Union (EU) ang bagong pangkat ng mga Filipinong mag-aaral na nabigyang pagkakataon na ipagpatuloy ang pag-abot ng tagumpay at makapag-aral sa iba’t-ibang unibersidad sa mga bansang kasapi ng EU.
Sa pahayag ng EU Delegation in the Philippines, 66 na kabataang Filipino ang napili para sa Erasmus + Program ng EU kung saan maaring kumuha ng MA programs sa mga unibersidad sa Europa.
Nagpaabot ng pagbati ang kinatawan ng E-U sa Pilipinas sa mga mapalad na estudyanteng nabigyang pagkakataon na makinabang sa programa at mas malinang ang kaalaman at karunungan sa mga unibersidad sa ibayong dagat.
Hinimok ni Ambassador Franz Jessen ang 66 na mga estudyante na maging kinatawan ng mabuting kalooban at makipagkaisa sa para sa pagbabago na makatutulong mapagtibay ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at European Union.
Masayang ibinahagi ni Jessen na ika – 6 ang Pilipinas sa buong mundo na may pinakamataas na bilang ng mga scholars sa Erasmus + Program.
Ibinahagi ni Ayee Macaraig, incoming Erasmus Master in Journalism, Media and Globalisation student na ang Erasmus Mundus scholarship program ay hindi lamang isang academic excellence kundi pagkakataong makipag-ugnayan at unawain ang kultura ng ibang bansa habang tinutuklas ang kulturang pinagmulan.
Si Macaraig ay nakatakdang mag-aaral sa Aarhus University at Danish School of Journalism sa Denmark habang susunod naman sa University of Amsterdam sa The Netherlands.
Samantala, sinabi naman ni Erasmus scholar Jayson Gabriel Pinza incoming Joint Master Degree in Groundwater and Global Change na makatutulong itong programa para mas mapalawak ang kaalaman at kakayahan sa hydrogeology.
Aniya, bilang guro nais din nitong ibahagi sa mga kabataang Filipino na nagnanais maging hydrogeologist ang kanyang matutuhan sa pag-aaral sa European countries.
Nakatakdang mag-aaral si Pinza sa Instituto Superior Tecnico, Universidade de Lisboa sa Portugal, Stichting IHE Delft – IHE Delft Institute for Water Education sa The Netherlands at Technische Universität Dresden sa Germany.
Kinilala rin ni Ambassador Jessen ang inisyatibo ng Erasmus Almuni sa pangunguna ni Kate Ramil sa patuloy na pagsusulong sa scholarship at mobility program sa iba’t ibang dako ng mundo upang maabot ang mga indibidwal na nais magpapatuloy sa kanilang pag-aaral.
Dahil dito nakipagtulungan ang EU Delegation ng bansa sa Erasmus alumni sa pagsusulong ng Erasmus+ program maging ang European Higher Education Fairs kung saan ngayong taon ay gaganapin ito sa ika – 26 ng Oktubre sa Shangri-La Plaza sa Mandaluyong.
Sa huli hinikayat ni Ambassador Jessen ang mga Filipinong Erasmus+ scholars na ibahagi sa bansa ang mga matutuhan sa kanilang pag-aaral sa Europa upang matulungan ang mga Filipino at ang bansa na umunlad sa tulong ng 1 hanggang 2 taong pakikipamuhay sa Europa.