376 total views
Pinangunahan ng kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagdiriwang ng banal na misa para sa ika-55 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Pope Pius 12th Catholic Center, ika-29 ng Agosto, 2019.
Ayon kay Cardinal Tagle, isang biyaya din na kasabay ng pagdiriwang ang kapistahan ni San Juan Bautista na naghanda ng daan para sa Panginoon Hesukristo.
Binigyang diin ng Kardinal sa kanyang pagninilay na nawa tulad ng ginawang pagtuturo ni San Juan Bautista ay maging daan din ang Pope Pius XII Catholic Center ng pagpapanibago ng bawat tao.
Aniya, mangyayari ito sa pamamagitan lamang ng pagtuturo ng mga aral na nagmula kay Hesus, at wala nang iba.
“Kung kailangan ng mundo ng pagpapanibago ng healing, renewal, transformation, ang nasa isip ni Pope Pius XII is it can happen only in Jesus Christ. Ang simbahan maging daan ng pagpapanibago sa pamamagitan ng aral, turo ni Hesus. Wala tayong ibang dala-dala kun’di si Hesus.” Bahagi ng pagninilay ng Cardinal.
Tiwala si Cardinal Tagle na isusulong at itataguyod ng Catholic Center sa pamamagitan ng kanilang iba’t-ibang serbisyo ang pagkakaroon ng katarungan na daan sa pagkamit ng kapayapaan.
Umaasa si Cardinal Tagle na sa pamamagitan ng mithiin nina Pope Pius X at Pope Pius XII nawa ang Pius Catholic Center ay maging kanlungan kung saan madarama ng mga tao ang kaligtasan at kapayapaan sa piling ni Hesus.
Nanawagan din ang Arsobispo na nawa ang Catholic Center ay maging daan rin ng pagpapalaganap ng misyon ni Hesus at tulad ni San Juan Bautista ay makilala ng ibang tao at ng buong mundo Panginoon.
“Ang Pope Pius XII Center ay parang si San Juan Bautista, tinig para makilala ng ibang tao, ng mundo si Hesus. Manatili itong hindi lamang trabaho kun’di misyon, isang misyon na si Hesus ay makilala at kay Hesus maranasan ng mga pinaglilingkuran natin ang pagpapanibago ng buhay, ang paghihilom ng mga sugat, ang tamang ugnayan patungo sa kapayapaan.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Taong 1964 naitatag ang Pope Pius XII Catholic Center sa pangunguna ni Manila Archbishop Rufino Cardinal Santos, DD.