357 total views
Hinimok ni Antipolo Bishop Francisco De Leon ang mananampalataya sa lalawigan ng Rizal na suportahan ang mga programa ng Caritas Manila na tumutugon sa pangangailangan ng mga dukha sa lipunan.
Ayon sa Obispo, malaki ang maitutulong sa pagbili ng mga gamit sa Segunda Mana sapagkat pinopondohan nito ang mga programa ng social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila na kapaki-pakinabang sa mga mahihirap.
“Ang Segunda Mana ay isang paraan ng pagtulong kasi ang mapagbibilhan dito ay gagamitin sa ibat ibang services nila katulad ng scholarship program, katulad nang pag mayroong disaster at maging sa mga pabahay,” pahayag ni Bishop De Leon sa Radio Veritas.
Ibinahagi rin ni Bishop De Leon na maging ang mga parokya ng Antipolo ay may kanya-kanyang programang pang edukasyon upang matulungan ang mga kabataang nais makapagtapos ng pag-aaral subalit walang kakayahang pinansyal.
Aniya, ang Immaculate Conception Cathedral ay may mahigit sa 300 scholars na tumutugon sa matrikula, baon, gamit sa pag-aaral at mga uniform.
Hamon ng Obispo sa mga scholars na pagbutihin ang pag-aaral at huwag sayangin ang pagkakataong makamit ang tagumpay sa tulong ng mga mabubuting indibidwal.
“Basta’t sila [scholars] ay mag persevere at makatagal sa kanilang pag-aaral,” ani ni Bishop De Leon.
EDUKASYON LABAN SA KAHIRAPAN
Naniniwala naman si Fr. Anton Pascual ang Executive Director ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas na mahalaga ang pagkamit ng wastong edukasyon upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga Filipino lalo na ang mga nasa liblib na lugar ng bansa.
“Naniniwala tayo na ang edukasyon is the great social equalizer kung gusto nating kalabanin ang kahirapan, kamangmangan at kawalan ang susi d’yan ay edukasyon na binubuo ng knowledge, skills and attitude,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ayon pa sa Pari bukod sa paglinang ng karunungan ng mga kabataan, ay tinuturuan din ang mga servant leaders ng YSLEP na mahubog ang kanilang kakayahan at ugali upang maging mabuting pinuno ng lipunan sa mga susunod na panahon.
Ibinahagi ni Fr. Pascual na nililingap ng Caritas Manila ang mga kabataan sa buong bansa kung saan sa kasalukuyang higit sa 4,000 ang tinutustusan nito mula sa hanay ng mga katutubo at maging ng ibang pananampalataya kabilang na ang mga Muslim.
Bukod pa rito, nakibahagi rin ang social action arm sa adbokasiya ng Simbahan sa pagiging masinop sa mga bagay na mapakikinabangan pa at maalis na ang “throw away culture” sa bansa.
“Nakatulong din tayo sa recycling environmental advocacy ng ating simbahan,” saad pa ni Fr. Pascual.
MAG-DONATE TAYO!
Dahil dito kapwa inaanyayahan ni Bishop De Leon at Fr. Pascual ang mamamayan na tulungan ang adhikain ng Segunda Mana sa pamamagitan ng pag-donate ng mga segunda manong gamit na hindi na ginagamit sa mga tahanan subalit maari pang mapakinabangan ng ibang tao.
Sa ulat ni Barry Camique ang program manager ng Segunda Mana, 70 porsyento sa mga gamit na ibinebenta sa Segunda Mana Expo at mga charity outlet ay pawang mga bago na mula sa mga kilalang establisimiyento habang 30 porsyento rito ang mga segunda mano na donasyon mula sa mga indibidwal.
Kadalasan nabibili sa Segunda Mana ang mga damit, bag, sapatos, mga kagamitang pambahay at iba pa.
Sa kasalukuyan may 34 na charity outlet na ang Segunda Mana sa bansa kabilang ang isang outlet sa Iloilo City habang nakatakda naman ang pagbubukas sa Cebu City sa Oktubre.
Samantala, hindi bababa sa 10 Segunda Mana Expo ang isinasagawa taun-taon sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region upang higit na mailapit sa tao ang donation in kind program ng Caritas Manila at mas mapalawak pa ang adbokasiya at mithiin nito sa bayan partikular sa mga kabataan.