208 total views
Ipinaalala ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David-Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines pagsisimula ng isang buwang pagdiriwang sa panahon ng paglikha na ang lahat ng nilalang ng Diyos ay may kaugnayan sa bawat isa.
Binigyang diin ng Obispo, na kapag sinaktan o sinira ang isang bahagi ng kalikasan at naaapektuhan na ang kabuuang balanse ng kapaligiran.
“Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay magkakaugnay-ugnay. Kapag sinaktan mo ang isang bahagi, sinaktan mo ang buong sangnilikha. When we destroy the world, we destroy ourselves.” pahayag ni Bishop David
Dahil dito, nanawagan sa mananampalataya si Bishop David na tumulong sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan lamang ng simpleng pamamaraan na hindi paggamit ng plastik.
Ipinaliwanag ng Obispo na hindi sapat ang pag-recycle ng mga plastic dahil kinakailangang ihinto na ang produksyon at paggamit pa nito.
“Ugaliin natin yung walang plastikan, bawasan natin ang kaplastikan both literally at figuratively.” Dagdag pa ng Obispo.
Nito lamang 2018, naitala ang Pilipinas bilang pangatlong bansa sa buong mundo na pinaka maraming nalilikhang plastic na basura.
Samantala, inihalintulad naman ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang kalikasan sa isang inang mapag-aruga.
Ayon sa Obispo tulad ng isang ina, ang kalikasan ay nagkakaloob sa tao ng buhay, pag-asa at kalakasan.
Gayunman, binalaan ng Obispo ang mananampalataya na kung pababayaan ang kapaligiran ay magdudulot ito ng pagkawasak na maaaring humantong sa kamatayan ng daigdig.
Dahil dito, mahalaga aniya ang pagkakaisa ng sangkatauhan, upang pigilan ang mga gawaing patuloy na sumisira sa kapaligiran.
Nitong Linggo unang araw ng Septyembre, pormal nang binuksan ang Season of Creation o panahon ng paglikha.
Taong 2003 nang unang inendorso ni dating CBCP President Cotabato Abp. Emeritus Orlando Cardinal Quevedo ang naturang pagdiriwang sa Pilipinas.
Ngayong 2019 naman ang ikatlong taon ng pagsasagawa ng Walk for Creation bilang tanda ng pagsisimula ng panahon ng paglikha.