578 total views
Naninindigan ang pinunong pastol ng Diyosesis ng Antipolo laban sa pagtatayo ng Kaliwa Dam dahil sa matinding epekto nito sa kalikasan at mamamayan.
Tinawag ni Bishop Francisco De Leon na malaking panganib ang dam sa komunidad ng Tanay partikular sa mga katutubong Dumagat – Remontado na naninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre.
“Tutol kami [Diocese of Antipolo] sa Kaliwa Dam na gagawin dahil lulubog ang ilang lugar sa Tanay,” pahayag ni Bishop De Leon sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng Obispo na tatlong diyosesis ang apektado sa pagtatayo ng dam ang Infanta, Laguna at Antipolo kaya’t maraming mga Filipino ang nanganganib mawalan ng tahanan at kabuhayan.
Naunang inihayag ng Dumagat tribe ang pangambang mawala ang mga lupang minana at sisirain ng dam ang mga lupang sakahan, kabahayan maging ang mga bahay dalanginan.
Sa pagtaya ni Dumagat tribe leader Octavio Pranada nasa 11, 000 katutubo ang pinangangambahang mawalan ng tirahan kapag masimulan ang proyekto.
Sinabi naman ni Bishop De Leon na may Quasi Parish ang nakatalaga sa Tanay Rizal kung saan sakop nito ang 12 mga kapilya na kabilang sa mawawala kung ipagpatuloy ang pagtatayo ng dam.
“Kapag natuloy ang Kaliwa Dam, 10 sa mga kapilya ay lulubog, so dalawa nalang ang matitira,” ani ng Obispo.
CHINA vs. JAPAN FUNDED DAM
Samantala, mas kinatigan ni Bishop De Leon ang dam proposal ng Japan kumpara sa China sapagkat maliit lamang ang maging epekto nito sa komunidad na pagtatayuan ng Kaliwa Dam.
“Mas mabuti pa ang mungkahi ng Japan sapagkat hindi ganoon kataas ang gagawing parang dam kundi mababa lamang kaya hindi masyado ang epekto sa environment, sa mga katutubo at kaunti lang ang mga kapilya na lulubog,” saad pa ni Bishop De Leon.
Batay sa mungkahi ng isang Japanese firm isang ‘weir’ ang gagawin o low type ng dam na may taas na 7 metro lamang mas mababa kumpara sa 62 meters high na mungkahi ng China.
Ipinagpilitan naman ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na mas kinakailangan ng bansa ang impounding dam tulad ng iminungkahi ng China na gagawa ng Kaliwa Dam project.
LIABILITIES
Hinihintay ni Bishop De Leon ang balak ng gobyerno sa mga katutubong maapektuhan sa gagawing dam at kung paano ang kabuhayan nito.
Binigyang diin ng Obispo na dapat igalang at pangalagaan ang karapatan ng mga katutubo kaya’t mahalagang ilatag ng mga namamahalang ahensya ang mga programa para sa mga residenteng maapektuhan.
“Dapat nakalista yung mga taong mananagot kapag may nangyari d’yan, yung mga pumirma ang dapat managot,” ani ni Bishop De Leon.
Kinondena rin ng Obispo ang kawalang pagpapahalaga sa mga environmental law.
Tiwala ang Obispo na magkakaisa ang mamamayan ng Antipolo sa pagprotekta sa kalikasan at kapakanan ng mga katutubo sa pamamagitan ng pagtutol sa itatayong Kaliwa Dam.