200 total views
Magsasagawa ng isang People’s Summit ang Bagong Alyansang Makabayan bago ang opisyal na panunumpa sa katungkulan ni incoming President Rodrigo Duterte sa ika-30 ng Hunyo.
Ayon kay Renato Reyes Jr.,Secretary-General ng BAYAN, layunin ng isasagawang People’s Summit na makabuo ng People’s Agenda mula sa iba’t ibang sektor sa lipunan na siyang isusulong at babantayan sa unang 100-araw ng panunungkulan ng administrasyong Duterte.
“Kami naman po ay medyo positibo naman yung tingin natin dito sa incoming Duterte Presidency. Sa katunayan magkakaroon ng People’s Summit sa June 29 para buuin yung People’s Agenda for the 1st 100 days ni Duterte Presidency at magbigay ng kongretong mga proposals para sa makabayan at progresibong pagbabago, matapos noon may isang martyang isasagawa sa a-trenta ng Hunyo kasabay ng inauguration may martya bilang suporta sa Peace Talks, bilang suporta sa pagpapalaya ng political prisoners at bilang suporta doon sa People’s Agenda para sa pagbabago…”pahayag ni Reyes.
Inihayag ni Reyes na magma-martsa ang iba’t-ibang sektor sa araw ng inagurasyon upang ipaabot ang pagsuporta sa mga plano ng bagong administrasyon partikular na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga komunista at ang pagpapalaya sa mga bilanggong politikal o political prisoners sa bansa.
Batay sa tala ng Karapatan (Alliance for the Advancement of Poeple’s Rights) mula sa 509 na political prisoners, 18 ang naitalang mga peace consultants ang National Democratic Front of the Philippines, 88 ang may karamdaman, 48 naman ang mga matatanda habang tinatayang nasa 74 na mga detainees naman sa buong bansa na nananatiling walang hatol sa higit na 10-taon.
Unang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang lahat ay tinatawagan para sa kapayapaan, pagkakaisa at pagtutulungan sa lipunan na hindi lamang nakakaapekto sa bayan kundi higit sa mga mamamayan.