244 total views
Naninindigan ang Alyansa Tigil Mina na dapat tunay na nagdudulot ng pag-unlad sa ekonomiya ang operasyon ng pagmimina at walang pinsalang naidudulot sa kapaligiran bago ito maituring na “responsible mining.”
Ito ang binigyang diin ni Jaybee Garganera – National Coordinator ng A-T-M, matapos ipagtanggol ni Surigao City Governor Sol Matugas ang Shenzhou Mining Group Corporation’s.
Paliwanag nito dapat nakapagbibigay ng maayos na trabaho at nakapagpapaunlad ng industriya ang isang minahan nang hindi nagdudulot ng anumang nakasasama sa kapaligiran at sa pamayanan.
“Yan yung pananaw niya bilang local government executive na nakikita nya na merong ginagawa yung minahan na kabutihan dun sa kanyang local constituency. Pero pinaninindigan namin na hangga’t hindi malinaw yung papel ng minahan duon sa industrialization at kung hindi natin nakukuha yung tamang biyaya which is revenues, trabaho ay hindi dapat ipagpatuloy yan,”pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Batay sa datos ng Mines and Geosciences Bureau noong 2015, 23 mula sa 44 na mga minahan sa bansa ay nag o-operate sa Caraga Region.
Samantala sa Ensiklikal na Laudato Si, pinuna ni Pope Francis ang hindi makatarungang pagmimina ng mga multinasyonal na kumpanya mula sa mga First World Countries sa maliliit na mga bansa.