314 total views
Nanawagan si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mga mananampalataya sa lalawigan ng Bohol na makikiisa sa paglilinis ng mga baybaying dagat.
Ayon sa Obispo, ito ay pakikiisa sa taunang International Coastal Clean Up na ginaganap tuwing ika – 21 ng Setyembre sa pangunguna ng Ocean Conservancy, isang grupong nangunguna sa pagtataguyod ng malinis na karagatan at ligtas para sa mga yamang dagat.
“In collaboration with the Provincial Government of Bohol, Tagbilaran & Talibon Dioceses invite all to join INTERNATIONAL COASTAL CLEAN-UP DAY,” pahayag ni Bishop Uy.
Tiniyak ng Obispo na kaisa ang Simbahang Katolika ng mga Boholano at buong Filipinong komunidad sa bansa sa pagsusulong ng malinis na karagatan, mga ilog at maging ang mga kanal na daluyan ng tubig.
Inihayag ni Bishop Uy na napapaloob sa ensklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si kung saan mariing ipinanawagan ng Simbahan ang malinis na kapaligiran para sa kinabukasan ng mga kabataang maging tagapagmana ng sanlibutan sa susunod na henerasyon.
“This is our way of caring for our environment in response to the call of Pope Francis in his encyclical Laudato Si’,” ani ng Obispo.
Magugunitang 1986 nang inilunsad ang Coastal Clean-up ng Ocean Conservancy sa Estados Unido na layong alisin ang mga kalat sa mga baybaying dagat tulad ng mga plastic.
Higit tatlong dekada na ang nakalipas mas lalong lumawak ang kampanya sa higit 100 mga bansa sa buong mundo na nakiisa sa adhikain ng grupo na pagpanatiling malinis ang kalikasan.
Dahil dito hinikayat ni Bishop Uy at Talibon Bishop Daniel Patrick Parcon ang bawat grupo ng mga diyosesis sa Bohol na pangunahan ang paglilinis sa mga ilog na kanilang nasasakupan at pagmalasakitan ang kalikasan na tahanang panlahat ng bawat nilikha ng Diyos.
“Requesting parishes, organizations, and communities to organize themselves for the said activity,” saad pa ni Bishop Uy.
Pinasalamatan ng mga Obispo ang Bohol Environmental Management Office at ang Social Action Center ng Tagbilaran sa pangunguna sa nasabing gawain at umaasa sa positibong pagtugon ng bawat mamamayan.
Sa tala ng Ocean Conservancy, ikatlo ang Pilipinas sa mga bansang may malaking ambag sa maruming karagatan na batay sa pagsusuri 2.7 milyong toneladang basurang mga plastic ang taunang nalilikha ng mga Filipino at 20 porsyento rito ay napupunta sa karagatan.