308 total views
Ikinalulungkot ng isang Obispo ang kasalukuyang kalagayan ng mga magsasaka sa Pilipinas na nahaharap sa matinding hamon at pasanin.
Ikinadismaya ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña ang patuloy na pagbalewala ng mga opisyal ng pamahalaan sa sektor ng pagsasaka na siyang bumubuhay sa Pilipinas at nagbibigay pagkain sa mga Filipino.
“Im so disappointed about it kasi parang nalimutan nilang ang backbone ng ating ekonomiya ay ang agriculture,” pahayag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa hinaing ng mga magsasaka sa mababang farmgate price ng palay na 7-piso lamang kada kilo sa ilang bahagi ng bansa partikular sa Central Luzon na tinaguriang ‘rice granary’ ng bansa.
Pinuna ni Bishop Dela Peña ang mga usaping tinatalakay ng pamahalaan at ng mga mambabatas subalit hindi nakikitaan ng pagkabahala sa kalagayan ng sektor ng pagsasaka na apektado ng mga polisiyang ipinatupad ng gobyerno.
Iginiit ng mga grupo ng magsasaka tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Amihan at Bantay Bigas na ang mababang presyo ng palay ay dulot ng pagsabatas ng malayang pag-aangkat ng bigas sa ilalim ng Republic Act 11203 o ang Rice Liberalization Law.
Naunang hinamon ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud ang kasalukuyang administrasyon na tulungan at sagipin ang mga magsasaka na lubhang apektado ng Rice Tarification law o ang pagdagsa ng imported na bigas sa bansa.
Read: Obispo, nanawagan sa pamahalaan na sagipin ang mga magsasaka
Dahil dito binigyang diin ni Bishop Dela Peña na nararapat bigyang tuon ito ng pamahalaan upang makahanap ng mga hakbang na makatutulong sa higit 2 milyong magsasakang apektado ng imported rice surplus sa bansa.
“This is a very serious and important issue nga angay gyud unta hatagan ug pagtagad diha-diha dayon [na dapat bigyang pansin sa lalong madaling panahon.]” ani ni Bishop Dela Peña.
Iginiit ng Obispo na ang mga magsasaka ang pangunahing apektado sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo’t umaasa lamang sa pagsasaka ang kanilang kabuhayan.
Sinabi ng Obispo na dapat unahin ng pamahalaan ang sektor ng pagsasaka upang maiwasan ang “food crisis” at pag-aaklas ng magsasaka dahil sa pagsasawalang bahala ng mga namumuno.
PAUTANG SA MAGSASAKA
Sinabi pa ng pinunong pastol ng Marawi na hindi sapat ang pagpapautang lamang sa mga magsasaka upang matugunan ang kanilang suliranin kundi kailangang magpatupad ng mga konkretong hakbang ang gobyerno upang maiwasan ang pagbagsak ng lokal na produksyon ng palay.
“Loan? that is not enough,” ani ng Obispo.
Sa pag-aaral ng Bantay Bigas, sa labis na mababang farmgate price ng palay, tinatayang nasa 25, 000 hanggang 31, 000 piso ang mawawalang kita ng mga magsasaka kaya’t pahirapan din ang pagbayad sa mga pautang na inialok ng gobyerno.
Batay sa alok ng Department of Agriculture maaring mag-loan ang mga magsasaka ng 15, 000 piso sa ipinatupad na Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers o SURE Aid na maaring bayaran sa loob ng walong taon.
Subalit iginiit naman ng Bantay Bigas na 4 na porsyento lamang sa 2.4 na milyong magsasaka sa Pilipinas ang makikinabang sa nasabing pautang ng gobyerno.