214 total views
Takot ang naging bunga sa mga kapamilya ng mga napalayang bilanggo sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa binitawang banta ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Rudy Diamante-executive secretary ng CBCP–Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care Executive Secretary, sa halip na takutin ay mas naaangkop na himukin ang mga napalayang bilanggo na bumalik at maitama ang pagkakamali sa pagpapatupad ng batas sa ilalim ng Republic Act 10592.
Una na ring nagtakda ng 15-araw na palugit ang Pangulong Duterte sa mga lumaya para sumuko o ituring bilang mga pugante.
Ayon pa kay Diamante sa kabila ng pagnanais ng ilang mga kapamilya ng mga bilanggo na lumapit at kumonsulta sa Korte ay hindi naman tiwala ang mga ito sa takbo ng katarungang dahil sa culture of impunity na namamayani sa bansa.
“Under the Supreme Court hindi na kailangan yung warrant of arrest, dapat nga himukin lang sila na ‘o sige mayroong pagkakamaling nagawa pumunta muna kayo at itama natin’ pero yung tatakutin ka, ang dami ng takot na pamilya ‘paano ba ito? Bakit ganoon? Bakit kami tinatakot sa isang bagay na lehitimo?’ Sa tingin nila ay lehitimo, so ang call of action pa rin natin is siyempre to go to the court pero papaano ka pupunta sa court and perception rin sa court ay hawak na rin ni Presidente Duterte so may feeling of impunity,” ang bahagi ng pahayag ni Diamante sa panayam sa Rayo Veritas.
Inihayag rin ni Diamante ang pakikipagtulungan ng komisyon sa Free Legal Assistance Group (FLAG) upang mabigyan ng legal na paggabay ang mga bilanggo sa legalidad ng pagpapabalik sa mga ito sa bilangguan.
Ayon kay Diamante, dapat na suriin ng pamahalaan kung sino sa mga napalayang bilanggo ang nararapat ng makalaya at kung sino ang mga sinasabing nagbayad lamang upang mapasama sa mga benepisyaryo ng batas.
“Una tingnan nila yung listahan, suriin yung listahan tapos kung papaano binigay yung Good Conduct Time Allowance at sino ba talaga yung parang allegedly naglagay kasi ang dami doon na legitimate na dapat lumaya siguro ‘yung karamihan dun sa sumuko na ay legitimate, hindi lang sila makapunta sa abogado una wala silang ipambabayad sa abogado. On our part we are engaging with Free Legal Assistance Group at tinitingnan namin kung papaano kami papasok kasi tinitingnan namin na parang malabo yung order na sila ay magsurrender,” dagdag pa ni. Rudy Diamante.
Sa pinakahuling tala ng Philippine National Police (PNP) umaabot na sa 281 ang bilang ng mga kusang sumukong bilanggo sa bansa na nauna ng nakalaya sa pamamagitan ng GCTA.
Una na nang binigyang diin ng Simbahang Katolika na dapat ay restorative sa halip na punitive mentality ang dapat na mamayani sa Justice system ng bansa upang bigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga bilanggo na makapagsisi, makapagbalik-loob at makapagbagong buhay.