295 total views
Simbolo ng buhay at muling pagkabuhay ni Hesus.
Ganito isinalarawan ni University of Santo Tomas (UST) Museum Director Rev. Fr. Isidro C. Abaño, O.P., SThL-MA ang mga itlog na nagsilbing pambihirang canvass ng mga likhang sining sa opisyal na pinasinayaang Hatch Exhibit sa pakikipagtulungan ng Manila Bulletin.
Umaasa ang Pari na bukod sa maihahandog na bagong inspirasyon at kaalaman ng mga tampok na likhang sining gamit ang accrylic egg bilang canvass na masasaksihan sa exhibit ay mamulat rin ang kamalayan ng mga bibisita sa pagpapahalaga sa buhay ng bawat isa.
Ayon kay Fr. Abaño, nawa ay mapukaw ang kamalayan ng bawat isa sa mga napapanahong usapin na may kinalaman sa paninindigan at pagtatanggol sa kasagraduhan ng buhay.
“Egg is related to life and it is related to the resurrection of Our Lord Jesus Christ kaya itong exhibition na ito napakaganda ng simbolo its about life so sa tingin ko hindi lang siya dapat about exhibition kasi ang exhibition ay educational may tinuturo may aral na ibinibigay pero I think dapat ito rin ay isang adbokasiya na napapanahon lalo na ngayon marami tayong mga issues concern about life…”pahayag ni Father Abaño sa panayam sa Radyo Veritas.
Tampok sa HATCH Exhibit ang 100 iba’t-ibang bagong anyo at malikhaing pamamaraan ng pagdidisenyo sa mga nasabing acrylic egg hindi lamang sa pamamagitan ng painting kundi maging sa larangan ng sculpture.
Naglalayon itong maipakita ang pagiging malikhain ng mga Filipino kung saan sa pamamagitan ng iba’t ibang desenyong maaring magawa sa isang acrylic egg model.
Inanyayahan naman ni Fr. Abaño ang lahat na makibahagi at samantalahin ang isang buwang Hatch exhibit sa UST Museum na bukas maging sa publiko.
“Nais ko po kayong anyayahan lahat na pumunta at makibahagi sa panunuod upang makapulot ng magandang aral at magandang inspirasyon dito sa exhibition na nagaganap ang title ay Hatch Manila Bulletin dito sa University of Santo Tomas Museum ito po ay nag-open September 12 at matatapos sa October 12…” Paanyaya ni Fr. Abaño.
Matatagpuan ang Hatch Exhibit sa Main Gallery ng UST Museum kung saan magtatagal ito ng isang buwan mula ika-12 ng Setyembre hanggang sa ika-12 ng Oktubre, tuwing Lunes mula ala-una ng hapon hanggang alas-singko.
Habang mula alas-otso y medya naman ng umaga hanggang alas-singko ng hapon tuwing Martes hanggang Biyernes.