209 total views
Bagsak na grado ang ibinigay ng grupong Promotion of Church People’s Response (PCPR) sa papaalis na administrasyong Aquino sa usapin ng kahirapan sa bansa.
Ayon kay Nandy Pacheco, secretary-general ng PCPR, 3 mula sa 10 ang nararapat lamang kay PNoy dahil hindi naramdaman ng maliliit na mamamayan ang ipinagmamalaki nitong pag-angat ng ekonomiya ng bansa sa kanyang termino na napansin din ng international community.
“Sa batas ng grado, damang-dama ng ating kababayan ang patuloy na kahirapan at walang pagbabago na naganap. Tumaas daw ang ekonomiya, ang batayan po lagi dapat hindi numero kundi ang kalagayan ng mga nararanasan ng ating mga kapatid. Diyan lang sa West Avenue anim na taon ng di nawala ang mga batang lansangan diyan, kulang na kulang ang pag-angat ng kabuhayan. Halimbawa din sa Hacienda Luista doon di umangat till now problema pa rin ang lupa. Sa 10 grado, mataas na ang 3, kaya siya nanalo dahil sa hirap ng naranasan sa administrasyong Arroyo naging malubha ang serbisyo ngayon,” pahayag ni Pacheco sa panayam ng Radyo Veritas.
Matatandaang inihayag ni Socioeconomic Planning Secretary Emmanuel Esguerra na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas sa unang tatlong buwan ng 2016 at umabot ito sa 6.9% at malaki ang posibilidad na makamtan ang 6.8% hanggang 7.8% sa buong taon ng 2016.
Gayunman, sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong first quarter ng 2016, nasa 11.2 milyong pamilyang Filipino ang nagsabing sila ay mahirap kumpara sa 10.5 milyon noong 2015 sa kahalintulad na panahon.
Nauna na ring iminungkahi ng Kanyang Kabanalan Francisco ang Tricke down Theory na kung saan ang pag – unlad ay dapat maramdaman ng mga nasa laylayan ng lipunan gaya ng mahihirap.