259 total views
Naninindigan ang Simbahang Katolika sa pagtutol laban sa divorce bill na kasalukuyang dinidinig sa senado.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano-executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Permanent Committee on Public Affairs, hindi maaring paghiwalayin ng sinuman ang pinag-isa ng Panginoon.
“So, the concept of divorce is to invalidate an otherwise a valid marriage,” ayon kay Fr. Secillano.
Nilinaw naman ng pari ang maling paniniwala na hindi pinahihintulutan ng simbahan ang paghihiwalay ng mag-asawa kung ang babae ay nakakaranas ng karahasan mula sa kaniyang esposo.
Giit ng pari, mayroong mga legal na paraan na sang-ayon din sa katuruan ng simbahan para pangalagaan ang karapatan at kaligtasan ng mag-asawa tulad ng legal separation at annulment.
“Sa aking pananaw, marami nang legal na proseso na pwede na i-avail ng mga couple. Pero bakit hindi nila nirereporma ang legal processes na ito para umakma sa pangangailangan ng tao,” ayon pa sa pari.
Dagdag pa ni Fr. Secillano, “Palagay ko wala tayong ditong essential differences, ito ang tinatawag nating incidental doon sa problema, doon sa concern. At ‘yang incidentals na ‘yan palagay ko pwedeng gawan ng paraan pero kung ipapasok ang divorce, dito natin makikita ang malaking pagkakaiba, which is not guaranteed by our laws ng simbahan at ng estado.”
Disyembre taong 2015 ng inilabas ni Pope Francis Mitis Iudex Dominus Iesus kung saan pinasimple ang proseso ng annulment ng simbahan.
“Kung ang simbahan nga may ginawang reporma para maging less tedious yung proseso, why can’t you? Kasi ang tingin nila sa simbahan hindi ito pwedeng magbago, napaka-istrikto, talagang tradisyunal pero ginawan ‘yan ng paraan ni Pope Francis.
Paglilinaw pa ng pari, ang repormang ito ng Santo Papa ay hindi bilang pagsuporta sa mga nais na maghiwalay kundi bigyang pagkakataon ang mga mag-asawa na sumailalim sa proseso at bigyang pagkilala ang kanilang mga karapatan.