6,863 total views
Homily
Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle
Misa ng Kapistahan ng Mater Dolorosa Parish, East Rembo, Makati
September 15, 2019
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, tayo po ay nagbibigay puri at pasasalamat sa Diyos. Siya po ang nagtipon sa atin bilang isang sambayanan, bilang isang komunidad, bilang isang simbahan o parokya.
Lalo na po ngayong linggo, ating ginugunita ang muling pagkabuhay ni Hesus, ang Kan’yang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan.
At sa linggong ito para sa parokya natin, nagpapasalamat din po tayo sa Panginoon, sa pagbibigay sa atin sa mahal na Ina sa kan’yang taguri bilang Ina ng mga Nagdadalamhati, ang inang nagdadalamhati.
Nakikidalamhati sa kan’yang anak na nakabayubay sa krus, at nakikidalamhati rin sa lahat ng mga may pinapasan na krus sa buhay.
At nagpapasalamat po tayo sa presensya ng ating mga lingkod bayan dito sa Lungsod ng Makati at sa marami pa pong mga ibang mga bisita.
Puwede bang malaman sino sa inyo ang galing sa ibang parokya? Sa ibang lugar pa pero nandito ngayon para maki… makikain. Welcome po! Welcome! Maganda po ang mga pagbasa natin ngayon, tungkol sa Diyos na ang puso ay punong-puno ng habag. Merong isang bagay na hindi mapigilan ng Diyos.
Sa unang pagbasa, galit ang Diyos dahil ang baying Israel, kinalimutan S’ya, pinalitan S’ya. Sumamba sa ibang Diyos, nagalit ang Diyos. Pero napigilan N’ya ang Kan’yang galit, hindi N’ya sinira ang bayang Israel, bagamat makasalanan.
Kayang pigilan ng Diyos ang Kan’yang galit, pero ano ang hindi N’ya mapigilan? Ang Kan’yang awa, ang Kan’yang habag. Yan ang hindi N’ya malagyan ng limit. Pati nga si San Pablo sa ikalawang pagbasa, namamangha. Sabi n’ya, “ako ang pinaka malaki ang kasalanan.” Kinalaban pa nga n’ya ang mga tagasunod kay Hesus. Pero na habag sa Kan’ya ang Diyos, at bukod do’n, hindi lang siya binigyan ng bagong buhay, pinili pa s’ya para maging apostol, misyonero.
Sabi n’ya hindi ako karapat-dapat, pero ganyan ang habag ng Diyos, ang hindi karapat-dapat, Kan’yang minamahal, Kan’yang tinatawag para maging katuwang Niya, partner sa Kan’yang misyon. Kaya naman sa ebanghelyo, nauunawaan natin kung bakit itong mga pariseo, mga eskriba, nagbubulong-bulungan, kasi nakita nila si Hesus ang mga kasama, mga makasalanan. Sa kaisipan nila noong panahon na ‘yon ang makasalanan, kalaban ng Diyos. Kaya kung ikaw ay katulad ni Hesus, guro, banal na tao, dapat hindi ka nakikihalubilo sa mga makasalanan, kasi labas na sila sa Diyos.
At marurumihan ka! marurumihan ka, kapag ikaw ay nakisalamuha sa mga makasalanan. Kaya na eskandalo ang mga pariseo, ang mga eskriba, sila na nagpapahayag ng kalinisan ng Diyos, para sa kanila ang kalinisan ng Diyos, hiwalay sa mga karumihan ng mga makasalanan. Kaya nagkwento si Hesus ng tatlong parables. Yung una, nawawalang tupa, iiwanan ng pastol yung siyamnapu’t-siyam, hinanap yung isang nawawala.
Pero kung iisipin natin, anong klaseng pastol ito? Okay na yung siyamnapu’t-siyam mo, alagaan mo na yan. Hahanapin mo yung isang nawawala, kung mawala pa rin yung siyamnapu’t-siyam dahil walang bantay. Ano bang klaseng pastol ito, Parang pabaya, o kung businessman ito, palugi ito, palugi. May siyamnapu’t-siyam na sigurado nang pagkakakitaan mo e bakit mo iiwanan yan para hanapin ‘tong isang nawawala.
Okay na yung malugi ka d’yan sa isa, mayroon ka pang siyamnapu’t-siyam. Pero parang itong pastol na ito, hindi marunong sa business. Mukhang hindi marunong mag-compute. Kayo ‘pag pinapili ko kayo, siyamnapu’t-siyam o isa, anong pipiliin n’yo? Yung totoo lang. [crowd answers: Siyamnapu’t-siyam] Ano? Siyamnapu’t-siyam! Bakit mo parang sigurado na ito, isa lang naman yan meron pa akong siyamnapu’t-siyam.
Pero itong pastol na pinapaliwanag ni Hesus, larawan ng Diyos, parang iba ang computation. Tapos yung ikalawang parable, babae nawawala ang isang barya, isang coin. Pero meron pa s’yang siyam. Anong ginawa? Nagwalis sa buong bahay para hanapin yung isa na barya. Ilan sa inyo ang magpapalinis ng buong bahay para hanapin ang isang limnag pisong barya? Kung meron ka pa namang ibang barya. Siguro sasabiin n’yo nga, “singko pesos lang naman yan.
Bente singko sentimos lang yan, nilalagay ko nga lang yan sa aking tainga. Di ako maglilinis ng buong bahay.” So ano ba itong babaeng ito, overacting ba ito para sa isang barya? Tapos yung pangatlong kwento, yung prodigal son. Yung bunsong anak kinuha yung kan’yang mana, winaldas. Nung naghirap naisip, “babalik ako sa aking ama.” Yung ama tumatakbo sinalubong yung anak, walang tanung-tanong, walang sinabing, “O ipaliwanag mo, anong ginawa mo doon sa nawaldas, paano mo yan maibabalik? Ano ang plano mo?” wala, basta tinanggap n’ya.
Kaya maiintindihan mo rin yung inis nung panganay na anak parang, “ano ba itong matandang ito? hindi ba ito nadadala, winaldas na nga ng bunsong anak ang lahat, tinanggap pa n’ya. Baka waldasin ang natitira pang kayamanan.” Pero hindi, tinanggap. Sa tatlong parables, yung pastol, yung babae, at yung ama, para bagang sa biglang tingin parang mayroon silang diperensya.
Parang kung ikaw yung nakikinig, mapapakamot ka ng ulo, ano? Anong klaseng pastol yan, palugi yan. Pabaya. Anong klaseng babae yan, overacting naman sa isang barya, isang barya lang yan iha! Itong ama, mayroon kang mabuting anak, yan ang alagaan mo, yang nagwaldas nagpa-party ka pa.
Ilan sa inyo kapag bumagsak yung anak n’yo sasabihin sa eskwela, “Sir, mam, ang anak n’yo bumagsak, kailangang umulit ng grade 6 next year.” Ilan sa inyo ang tatawag sa kapitbahay, “halika’yo magpa-party tayo, ang anak ko, bumagsak, pero uulit s’ya ng grade 6 at bumalik s’ya sa bahay para umulit ng grade 6.”
Di ba mapapakamot kayo ng ulo? Ganyan ka baliw ang ating Diyos. Gnyan ka baliw ang punong-puno ng habag at awa. Hindi mauunawaan ng mundo, kasi ang mundo iba ang pamatayan, iba ang norms, iba ang criteria. Ang mundo natin, eye for an eye, tuusan. Sinaktan mo ang mata ko, sasaktan ko ang mata mo.
Patas tayo. Kapag ganyan lahat tayo bulag na, kulang pa ang dalawang mata. Kung ang reklamento ay, “sinaktan moa ng mata ko, saktan ko rin ang mata mo! Sinaktan mo ang kilay ko, saktan ko rin ang kilay mo! Sinaktan moa ng tainga ko, saktan ko ang tainga mo! Patas lang tayo. Pagkaganyan, lahat tayo wala nang mata, wala nang ilong, wala nang tainga at kawawa yung iba, wala nang kilay. Magpa-tatoo ka pa d’yan o ano pa yan. Pero bakit may mata pa tayo, mayroon pang ilong at tainga, bakit may puso pa dahil meron tayong Diyos na baliw! Baliw sa pagmamahal.
Ano ang dahilan nung pastol, nung babae at kung ama? walang ibang dahilan, akin s’ya. Yung nawawalang tupa ay akin. Yung nawawalang barya ay akin. Yang batang yan, na nasira ang buhay, ay anak ko. Walang ibang aangkin d’yan kun’di ako. Sugatan man yan, lampa man yan, barya man yan na walang halaga, nagkamali man yan, pero aking anak yan. At dito sa aking bahay s’ya dapat mamalagi. Yan ang Diyos na pinakikilala ni Hesus at yan din ang Diyos na hindi maunawaan ng mga pariseo at eskriba. At ang tugatog ng habag at awa ng Diyos, nakita natin sa pagpapakasakit at kamatayan ni Hesus. Hindi S’ya gumanti, hindi S’ya naging marahas sa iba, natanggap N’ya ang lahat ng dusa at karahasan, huwag lamang masaktan ang iba. At yan ang dalamhati ng mahal na ina.
Dalamhati ng isang ina na kayang harapin ang kahihiyan na tinamo ng kan’yang anak. Tingnan ninyo, si Hesus iniwanan ng mga kaibigan na hihiya siguro na makilalang kaibigan ni Hesus., Naalaala n’yo si Pedro, nung tinanong s’ya, “o diba taga Galilea ka? di ba kaibigan ka ni Hesus?” sabi n’ya, “Hindi! Hindi!” parang nahiya s’ya, natakot s’ya na makilalang kaibigan ni Hesus. Pero si Maria, nandun sa paanan ng krus, dinideklara sa mundo, “Aking anak ito. Itatwa man ng lahat, ako hindi.” “Anak ko S’ya, at kung ako man ay mapahiya dahil anak ko S’ya, kasama yan sa aking dalamhati.”
Dalamhati hindi lamang ng emosyunal na tao, dalamhati ng isang nagsasabi, “He is mine. Hindi S’ya iba kaya kaya kong makipag-isa sa Kan’yang paghihirap.” Kailangan ng mundo, ang ganitong habag, awa, solidarity. Ang daming tao ngayon na walang umaangkin as their own. Ang daming bata nalulungkot, parang ikinahihiya sila ng sariling magulang, kaya floating, confused. Naghahanap ng pamilya, ang daming bata biktima ng bullying, mga kaklase, mga kaibigan na walang katapusang pamimintas. “Ang pangit mo!” “Lumayo ka sa amin, ayaw ka namin!” Pero ang Diyos hindi nagsasabi ng ganun.
Ang Diyos laging nagsasabi, mahal kita, anak kita. Kaya po sa kapistahan ng ating ina, na nagpakita na ang ebanghelyo ay totoo, sana tayo rin pigilan ang galit pero huwag pigilan ang awa, habag at pakikiisa sa kapwa, lalo na doon sa mga inaalipusta at walang umaangkin, walang pamilya, walang kaibigan.
Ipanalangin po natin ang ating mga kapatid na Amigonians kasi po yan din po ang kanilang misyon lalo na sa mga kabataan, bata na parang nakakaranas ng dalamhati dahil they do not belong. Napabayaan sila. Sana katulad ng mahal na ina na nagdadalamhati, silang lahat, at pati yung mga magre-renew ng kanilang vows, alalahanin n’yo kaya kayo magre-renew ng vows, hindi dahil magaling kayo kun’di dahil may awa ang Diyos.
Pasang awa tayong lahat. Katulad ni San Pablo, “makasalanan ako, ewan ko ba kung bakit nakapasa ako sa Diyos.” Isang sagot lang dahil, “mahal ako ng Diyos.’ Tayo po’y tumahimik sandali at hilingin natin sa Diyos ang biyaya na tayo ay maging daan ng Kan’yang habag at awa sa mundong marahas, walang pag-unawa at walang habag.